Nakapagtala pa ang Department of Health (DOH) ng 1,252 bagong kaso ng Covid-19 sa bansa mula Oktubre 9 hanggang 15, 2023.
Sa National Covid-19 Case Bulletin na inilabas ng DOH nitong Lunes ng gabi, nabatid na ang average na bilang ng bagong kaso kada araw ngayong linggo ay nasa 179
Ito ay mas mababa ng 1% kumpara sa mga kaso noong Oktubre 2 hanggang 8.
Anang DOH, sa mga bagong kaso, 20 ang may malubha at kritikal na karamdaman.
Mayroon din namang naitalang 12 pasyente na pumanaw kabilang ang lima na naganap noong Oktubre 2 hanggang 15.
Sinabi pa ng DOH na noong Oktubre 15, 2023, mayroong 231 na malubha at kritikal na pasyente na naka-admit sa mga ospital dahil sa Covid-19.
Sa 1,464 ICU beds para sa mga pasyenteng may Covid-19, nasa 189 o 12.9% ang okupado.
Nasa 2,142 o 16.9% naman ng 12,642 non-ICU Covid-19 beds ang kasalukuyan ding ginagamit.
Kaugnay nito, patuloy na pinapaalalalahan ng DOH ang lahat na huwag maging kampante sa banta ng Covid-19.
Anito, "Bagkus, dapat natin ipagpatuloy ang tamang pagsunod sa minimum public health standards sa ilalim ng Alert Level 1."
Paalala pa ng DOH, laging magsuot ng best-fitted face mask at kung maaari, manatili sa well-ventilated na mga lugar.
"Sa oras na makaramdam ng sintomas, AGAD NA MAG-ISOLATE," anito. "Para sa karagdagang proteksyon laban sa banta ng Covid-19, agad-agaran na tayong magpabakuna at booster."