Usap-usapan ngayon ang rebelasyon ng isa umanong dating flight attendant na nagngangalang Abigail Rait kung saan nagke-claim na may anak umano sila ng sumakabilang-buhay na Master Rapper na si Francis Magalona.

Mapapanood sa video ng "Pinoy Pawn Star" ni Boss Toyo ang pagbebenta ng jersey memorabilia ni Francis M. ni Abegail kung saan naisiwalat niya ang matagal na umanong pinakatatago-tagong kuwento.

Kuwento niya, kinuha raw ni Francis M ang kaniyang numero ng cellphone nang maispatan siya nito sa "Eat Bulaga" studio noon. Nagkaroon daw sila ng relasyon ni Francis M at nagbunga raw ito ng isang anak na babae.

Pinangalanan daw ito ni Kiko na “Gaile Francesca.”

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Nakuha raw ni Gaile Francesca ang talento ni Francis M pagdating sa pagkanta, pag-rap, at pagsayaw. Sa loob daw ng 15 taon ay nanahimik si Abegail tungkol dito.

“What we had is real, me and my daughter exist. Mahal niya kami (Francis M) and that’s a fact,” aniya.

Ipinakita pa niya ang ilang mga "resibo" na nagpapatunay na may namagitan sa kanilang dalawa.

Gumuho raw ang kanilang mga pangarap nang masawi si Francis M dahil sa kaniyang sakit.

Nabenta naman ni Abegail ang memorabilia sa halagang ₱500k, matapos itong mabatak ni Boss Toyo mula sa ₱700k.

Habang isinusulat ang balitang ito ay umabot na sa halos 2.1M views ang nabanggit na vlog.

Samantala, wala pang tugon, reaksiyon, o pahayag ang pamilya ni Francis M hinggil sa isyu, lalo na ang kaniyang biyudang si Pia Magalona. Bukas ang Balita sa kanilang panig.