Dalawang mga state witness ang bumawi ng kanilang mga testimonya laban kay dating Senador Leila de Lima matapos umano silang “makonsensya.”

Sa isang liham na naka-address kay De Lima at kapwa akusado na si dating Bureau of Corrections (BuCor) director Franklin Jesus Bucayu, sinabi ng mga state witness na sina Rodolfo Magleo at Nonilo Arile, parehong persons deprived of liberty (PDLs), na babawiin nila ang kanilang mga testimonya upang matulungan umano ang mga itong makalaya.

“We both planned to recant as early as 2018 but due to impossibility of communication, we were not able to do so,” saad nina Magleo at Arile sa liham.

“We are bothered by our conscience. We do not want you to be victims of mistrial. We will reveal in due time. We are assuring you all that the last case will be dismissed,” dagdag nila.

National

De Lima, pinawalang-sala sa isa pang drug case

Ayon pa kina Magleo at Arile, lima pang mga witness umano ang babawi rin ng kanilang mga testimonya.

Samantala, hinikayat ni Boni Tacardon, legal counsel ni De Lima, ang ibang pang mga witness na isiwalat na umano ang katotohanan. 

“Kahit sila naniniwala na walang kasalanan si Senator Leila de Lima at dapat siyang palayain,” saad ni Tacardon. 

Kasalukuyang hinaharap ni De Lima ang kaniyang ikatlo at huling natitirang drug case na inihain ng Department of Justice noong 2017.

Matatandaang pinawalang-sala kamakailan ng Muntinlupa Regional Trial Court si De Lima sa kaniyang ikalawang kaso.

Nakakulong si De Lima mula pa noong 2017 dahil sa umano'y pagkakasangkot niya sa illegal drug trade sa loob ng New Bilibid Prison.