Hindi sinipot ni Jefferson Tumbado, dating executive assistant ni suspended Land Transportation and Franchising and Regulatory Board (LTFRB) chief Teofilo Guadiz, ang pagsisimula ng imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) nitong Lunes hinggil sa alegasyon nitong talamak ang korapsyon sa ahensya.

Sinabi ni Department of Justice (DOJ) Undersecretary Brigido Dulay, hihintayin muna nilang makakuha ng panibagong abogado si Tumbado.

"Ang huling balita namin ay nagpaalam itong si Mr. Tumbado na hindi siya makakapunta dito sa tinawag na subpoena ng NBI at sinabi ng abogado nung una ay pupunta siya, 'yung abogado at irerepresent si Mr. Tumbado. Pero sa oras na ito ay napag-alaman namin na 'yung kanyang abogado na unang pumunta sa NBI ay nagbitiw na bilang abogado kay Mr. Tumbado at humihingi raw ng pagkakataon si Mr. Tumbado na kumuha ng panibagong abogado," ani Dulay.

Hindi pa mabatid ang dahilan ng pagbibitiw abogado ni Tumbado.

National

PUP nagbukas na rin ng klase para sa female PDLs ng Manila City Jail

Nauna nang pumayag si Tumbado na makipagtulungan sa imbestigasyon ng NBI.

“Kaya lang gusto n'ya na magkaroon siya ng abogado kapag siya ay humarap sa NBI, 'yun naman ay syempre pagbibigyan natin 'yan," anang opisyal.

Matatandaang inihayag ni Tumbado na sangkot umano sa korapsyon si Guadiz at sinabi pa na madalas ay may nagbibigay ng lagay sa LTFRB kapalit ng pagpapalabas ng permit at prangkisa upang makabiyahe.

Gayunman, binawi na ni Tumbado ang mga alegasyon nito at sinabing "hindi niya ito sinasadya."

PNA