Nangako si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa pamilya ni Loreta Villarin Alacre, ang ikatlong Pinoy na nasawi sa giyera sa pagitan ng Israeli forces at Palestinian militant group na Hamas, na maiuuwi kaagad ang bangkay nito.

Paliwanag ng Pangulo, kapag nabuksan na ang humanitarian corridors ay maisasagawa na nila ang naturang hakbang.

National

LPA sa loob ng PAR, naging bagyo na rin; 11 lugar sa Luzon, itinaas sa Signal No. 1

Nitong Linggo, tinawagan ni Marcos ang kapatid ni Alacre at nakiramatay ito.

Anang Pangulo, ginagawa na ng pamahalaan ang lahat upang matulungan ang mga apektado ng digmaan.

“May assistance para sa pamilya, pero lahat ng kailangang gawin para maiuwi na (ang iyong kapatid) ay gagawin na muna namin. Iyon lamang, hinihintay muna natin kung ano ‘yung magiging sitwasyon doon sa Israel dahil talagang napakagulo masyado ngayon at sarado lahat,” paniniyak ni Marcos sa kapatid ni Alacre.

“Tulungan ka namin. Basta’t nandito ang gobyerno. Lahat ng mga embassy natin naka-alert naman, alam nila ang sitwasyon mo… lahat nga gusto nang umuwi kaya ‘yun na muna ang inayos namin at basta’t mabigyan tayo ng pagkakataon ay iuuwi na namin silang lahat,” anang Pangulo.

Nauna nang naiulat na nawawala si Alacre matapos lusubin ng Hamas ang Israel kamakailan.

Nilinaw din ni Marcos, bukas pa rin ang airport sa Tel Aviv, Israel, gayunman, bawal pa rin ito sa mga refugee.

Idinagdag pa ng Pangulo, nakikipag-ugnayan na sila sa Israeli government upang maiuwi na sa Pilipinas ang mga apektadong Pinoy.