Kinuwestiyon ni Senador Imelda “Imee” Marcos ang mga kritiko ni Vice President Sara Duterte hinggil sa confidential at intelligence funds (CIF) ng tanggapan nitong Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd).

Matatandaang napabalita kamakailan na inalis na ang pinagsamang ₱650 milyong confidential funds ng OVP at DepEd para sa 2024 upang ilipat umano sa mga ahensyang nakatutok sa isyu ng West Philippine Sea (WPS).

Sa panayam naman ng Radio DZBB nitong Linggo, Oktubre 15, inihayag ng senador, na kapatid ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na may halo umanong galit ang naturang hakbang hinggil sa pagtatanggal sa confidential funds ng tanggapan ng bise presidente.

₱650-M confidential funds ng OVP, DepEd ililipat sa security agencies – House leader

“Well, sinabi ko na noon pa na may halong galit. Parang hindi ko maintindihan kung sinong nagmamadali,” ani Marcos.

“Ang layo-layo pa ng 2028, bakit binubugbog na ‘yung frontrunner, ika nga?” saad pa niya.

Nang tanungin naman ang senadora kung sa tingin niya’y pamumulitika ang nangyaring pagtanggal sa confidential funds ni Duterte, sagot ni Marcos: “Di naman lahat siguro, hindi naman totally politika, pero ‘yung tono kung minsan sobrang galit, sobrang personal, eh nakakaduda. Kasi kung talagang intel funds lang, edi tanggalin, tapos. Pero marami pang salita, marami pang banta. Nahahaluan ng kung ano-ano eh.”

Samantala, sinabi rin ni Marcos na naniniwala siyang nararapat lamang umanong magkaroon ng CIFs ang OVP, lalo na raw ang Office of the President (OP).

“Sa tingin ko talagang kailangan naman na magkaroon ng confidential fund lalong lalo na ‘yung Office of the President kasi marami talagang nangyayari na hindi naman pwedeng ibunyag,” giit ni Marcos.

Sinabi rin naman ng senadora na sa palagay niya’y tatanggapin ng bise presidente ang magiging hatol ng lehislatura hinggil sa CIFs.

“Sa palagay ko po, maliwanag naman si VP ano, kung tatanggalin, wala naman ang kapangyarihan sa kaniya, tatanggapin niya kung ano ‘yung hatol ng lehislatura. Kung ‘yun ang sasabihin ng budget committee, ng Kongreso at Senado, eh wala siyang magagawa. Hahanapin na lang ‘yung pera sa ibang lugar,” saad ni Marcos.

Matatandaang bukod sa OVP at DepEd, tatlong ahensya ng gobyerno pa, kabilang ang Department of Agriculture (DA) na pinamamahalaan ng Pangulo, ang binigyan ng Kamara ng “zero confidential funds” sa 2024 budget upang ilipat umano sa mga ahensyang dumidipensa sa WPS at nakatutok sa “peace and order” ng bansa.

https://balita.net.ph/2023/10/10/confidential-funds-ng-5-govt-agencies-inalis-ng-kamara-quimbo/