Tila magsisimula nang umarangkada sa kaniyang "professional career" ang 24 taong gulang na 9th placer sa Certified Public Accountant (CPA) licensure examination ng Professional Regulation Commission (PRC) noong Setyembre dahil bibigyan na siya ng trabaho ng local government unit (LGU) ng Iloilo City.

Ayon sa ulat ng Philippine News Agency (PNA), may naghihintay nang trabaho para kay Romelyn Gabanto, bunso sa apat na anak nina Roland at Milagros Gabanto. Si Mang Roland ay 13 taon na umanong street sweeper o tagawalis ng mga kalsada sa kanilang barangay.

Sinamahan ang bagong CPA ng kaniyang 61-anyos na ama para sa isang courtesy call kay Iloilo City Mayor Jerry Treñas sa munisipyo noong Martes, Oktubre 10.

Ayon sa panayam sa alkalde, nag-offer na agad siya ng kontrata para kay Gabanto at hinihintay na lamang ang kaniyang oath-taking. Kapag nakapanumpa na siya, magiging regular na kawani na siya sa Accounting Department ng munisipyo.

Human-Interest

Magna cum laude graduate na pinagsuot ng toga ang ama, kinaantigan

"We are very happy, we are very proud. This is our homegrown,” saad ni Mayor Treñas.

Sa panayam naman ng PNA kay Gabanto, sinabi niyang ang naging inspirasyon niya upang makatapos ng pag-aaral ay kaniyang pamilya, lalo na ang kaniyang ama na humimok sa kaniya upang kumuha at magtapos bilang isang Accountant.

Payo niya sa mga kagaya niyang nangangarap maging CPA, dapat ay matuto maging self-restraint, magkaroon ng wastong time management, at masanay sa matibay at consistent na study habit.