Naglabas ng pahayag ang Office of the President (OP) hinggil sa hindi pagsama sa anibersaryo ng EDSA People Power Revolution sa listahan ng mga holiday na idineklara ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. para sa taong 2024.
Ayon sa OP nitong Biyernes, Oktubre 13, hindi umano nakasama ang anibersaryo ng EDSA sa listahan ng special non-working days dahil natapat daw ang Pebrero 25, 2024 sa araw ng Linggo.
“The Office of the President maintains respect for the commemoration of the EDSA People Power Revolution. However, it was not included in the list of special non-working days for the year 2024 because February 25 falls on a Sunday,” saad ng OP.
“There is minimal socio-economic impact in declaring this day as a special non-working holiday since it coincides with the rest day for most workers and laborers,” dagdag pa nito.
Matatandaang nito lamang ding Biyernes nang ilabas ng Malacañang ang listahan ng mga holiday para sa susunod na taon, kung saan hindi nga nakasama rito ang anibersaryo ng EDSA.
Bagama’t walang batas na nagsasabing dapat ideklara ang anibersarsyo ng EDSA bilang holiday, idineklara ito noong nakaraang mga proklamasyon.
Nitong 2023, idineklara ni Pangulong Marcos ang Pebrero 24 bilang special non-working holiday upang gunitain ang EDSA People Power Revolution na natapat sa araw ng Sabado.