Naglabas na ang Manila City Government ng ilang mga alintuntunin na kanilang ipatutupad sa Manila North at South Cemeteries, mula Oktubre 29 hanggang Nobyembre 2, 2023, bilang paggunita sa Undas.

Sa isang official advisory mula sa tanggapan ni Atty. Princess Abante, tagapagsalita ni Manila Mayor Honey Lacuna, nabatid na ang paglilinis, pagpipintura, at pag-renovate ng mga puntod ay hanggang sa Oktubre 25 lamang.

National

Paalala ng PWS para sa flu season: 'Do not kiss babies that aren't yours!'

Ang paglilibing o interment operations ay ititigil rin muna pansamantala simula sa Oktubre 29, 2023.  Ito ay magbabalik naman sa Nobyembre 3, 2023.

Samantala, simula naman sa Oktubre 30 hanggang Nobyembre 2, 2023, ang mga main gates naman ng Manila North Cemetery at Manila South Cemetery ay bubuksan lamang mula alas-5:00 ng madaling araw hanggang alas-5:00 ng hapon.

Papayagan lamang umano ang mga sasakyan na pumasok sa gate ng Manila North Cemetery hanggang sa Oktubre 25 habang Oktubre 28 naman sa Manila South Cemetery.

Pansamantala ring walang pasok sa tanggapan ng dalawang naturang sementeryo at magbubukas lamang ito sa Nobyembre 3, 2023.

Samantala, nagpaalala rin naman ang pamahalaang lungsod hinggil sa mga pagbabawal na ipatutupad sa loob ng mga naturang sementeryo, simula Oktubre 29, 2023 hanggang sa Nobyembre 2, 2023.

Ayon sa abiso, nabatid na bawal ang mga tindero o pagtitinda sa loob ng mga sementeryo, gayundin ang pagpapasok ng anumang uri ng sasakyan, mga nakalalasing na inumin, baraha, Bingo cards, at anumang uri ng gambling paraphernalia.

Mahigpit ding ipinagbabawal ang pagdadala sa mga sementeryo ng mga flammable materials, baril at matutulis na bagay, gayundin ang videoke at iba pang uri ng sound system, na pinagmumulan ng malalakas na tunog.