Sinimulan na ng pamahalaan ang pamamahagi ng tulong pinansiyal para sa mga rice vendors sa lungsod ng Maynila, na apektado ng rice price ceiling na ipinairal ng pamahalaan noong nakaraang buwan.

Ayon kay Atty. Princess Abante, tagapagsalita ni Manila Mayor Honey Lacuna, ang pamamahagi ng tulong para sa mga community at sari sari store rice vendors ay pinangunahan ng Department of Trade and Industry (DTI), Department of Social Welfare and Development (DSWD) at ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila.

MRT-3 GM Bongon, sinibak sa puwesto dahil sa nagkaaberyang escalator

Nabatid na unang nakatanggap ng naturang ayuda ang nasa 795 community at sari sari store rice vendors mula sa District 1 at 2 ng Maynila.

Dakong alas-9:00 ng umaga nitong Miyerkules nang isagawa ang pamamahagi ng ayuda sa kanila sa Patricia Sports Complex.

Samantala, susunod namang mabibiyayaan ng ayuda ang mga sari sari store owners at rice vendors mula sa Districts 3, 4 at 6.

Ang naturang aktibidad ay gagawin sa Dapitan Sports Complex, Maynila, ganap na alas-8:00 ng umaga ng Huwebes, Oktubre 12.

Ang pamamahagi naman ng ayuda para sa mga sari sari store owners at rice vendors ng District 5 ay isasagawa ganap na alas-8:00 ng umaga sa Biyernes, Oktubre 13 sa San Andres Complex, Manila.