Matagumpay na naidaos ng Society of Feline Enthusiasts of the Philippines ang 4th International Coral Jubilee Show noong Oktubre 7 hanggang 8 sa Music Hall ng SM Mall of Asia, Pasay City.
Ang WCF ng SFEPI Philippines ay muling nagbalik upang itampok ang iba't ibang pusa na may iba't ibang lahi, matapos ang matagumpay na ika-3 nilang exhibition show sa Mandaue City, Cebu.
Dinaluhan ang event ng mahigit sa 100 na mga Filipino cat breeder, mga banyagang cat breeder, at mga mahilig sa pusa, sa kooperasyon kasama ang kilalang SM Mall of Asia, na nangako ng hindi malilimutang karanasan para sa mga exhibitor at mga mahilig sa pusa, na lubhang nagdulot ng interes sa mga manonood.
Nagsilbing hurado sa ginanap na kompetisyon ang international judges na sina Tomoko Vlach ng Japan, Beverly Elian ng Romania, at Elena Litskevich ng Russia.
Isang pusang Pinoy o puspin ang nagwagi ng pinakamataas na parangal na may "BEST SUPREME" title. Nakaharap ng puspin mula sa maracats cattery ang isang cornish rex mula sa Thailand na pagmamay-ari ng breeder na si Vorapon Mantham.
Layunin ng event na ito na pagsamahin at pagbuklurin ang mga cat enthusiast, cat breeder cat lover, at ang pangkalahatang publiko upang magbigay-edukasyon at impormasyon, magtaguyod ng pakiramdam ng pagiging bahagi ng komunidad, at magbigay ng pagkakataon sa lahat na masilayan ang mundo ng mga pusa at ang kanilang kalagayan.
Magkakaroon pa umano ng cat show sa darating na Nobyembre 25 at 26 kaya inaanyayahan nila ang lahat na makiisa rito.