Nag-landfall na ang bagyong Jenny sa Pingtung County sa Taiwan, at inaasahan itong lalabas ng Philippine area of responsibility (PAR) sa mga susunod na oras, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Huwebes ng umaga, Oktubre 5.
Sa tala ng PAGASA kaninang 11:00 ng umaga, huling namataan ang sentro ng Typhoon Jenny 180 kilometro ang layo sa hilagang-kanluran ng Itbayat, Batanes, taglay ang lakas ng hanging aabot sa 155 kilometers per hour at pagbugsong 190 kilometers per hour.
Mabagal umano itong kumikilos pakanluran.
Kaugnay nito, nakataas pa rin ang Signal No. 3 sa Itbayat, Batanes.
Nasa Signal No. 2 naman sa mga natitirang bahagi ng Batanes.
Samantala, nakataas ang Signal No. 1 sa mga sumusunod na lugar:
- Babuyan Islands
- Northern portion ng mainland Cagayan (Santa Ana, Gonzaga, Buguey, Santa Teresita, Lal-Lo, Camalaniugan, Pamplona, Claveria, Aparri, Ballesteros, Abulug, Allacapan, Sanchez-Mira, Santa Praxedes, Lasam, Gattaran)
- Northern portion ng Apayao (Calanasan, Pudtol, Luna, Santa Marcela, Flora)
- Northern portion ng Ilocos Norte (Piddig, Bangui, Vintar, Burgos, Pagudpud, Bacarra, Adams, Pasuquin, Carasi, Dumalneg, Laoag City)
Samantala, patuloy umanong palalakasin ng Typhoon Jenny ang southwest monsoon o habagat, na posible namang magdala ng mahina hanggang katamtamang mga pag-ulan sa kanlurang bahagi ng Luzon.
Inaasahan naman umanong lalabas ng PAR bagyong ngayong Huwebes ng tanghali o gabi.
“Outside the PAR region, JENNY will continue to move westward (becoming west southwestward to southwestward by Sunday) slowly over the Taiwan Strait and the coastal waters of southeastern China,” saad ng PAGASA.
“Once over the Taiwan Strait, additional cool dry air from the north will entrain into JENNY, resulting in continued weakening. JENNY may become a tropical depression by Sunday,” dagdag pa nito.