Pinag-leave of absence muna ng Department of Education (DepEd) ang isang grade school teacher na inakusahang nanampal sa kanyang estudyante, na kalaunan ay binawian ng buhay nang ma-comatose, habang isinasagawa pa ang masusing imbestigasyon sa insidente.

Ayon kay DepEd Assistant Secretary Francis Bringas, sa ngayon ay hindi muna pinapapasok sa pinagtuturuang paaralan sa Peñafrancia Spring Valley Elementary School sa Barangay Cupang, Antipolo City, ang guro habang sumasailalim pa sa pagsisiyasat.

National

VP Sara sinabing si Romualdez ang gustong pumatay sa kaniya

Gayunman, hindi pa aniya ito suspendido dahil wala pa namang pormal na kasong naisasampa laban sa kanya.

“Hindi muna siya papapasukin because this is a case of child abuse or grave misconduct,” pahayag pa ni Bringas, sa panayam sa teleradyo.

“Hindi siya papapasukin dahil kailangang ihiwalay siya doon sa lugar kung saan nangyari 'yung insidente.”

“The teacher is now on leave but not under preventive suspension,” dagdag pa ni Bringas. “In the pendency of the administrative proceedings that have started already, ang ating magagawa lang ng department is to go through this process para malaman natin kung ano ang nangyari.”

Kaugnay nito, muli ring nagpaalala si Bringas na ang mga guro ay mahigpit na pinagbabawalan na saktan o patawan ng corporal punishment ang kanilang mga estudyante.

Aniya, maaaring masampahan ng kasong dismissal ang guro kung mapapatunayang nakagawa siya ng grave misconduct.

Sinabi naman ng Antipolo City Police, na maaaring sampahan ang guro sa piskalya ng Homicide in relation to Republic Act 7610 o Anti-Child Abuse Law.

Una nang sinabi ng ina ng biktimang si Francis Jay Gumikib, 14, Grade 5 student, na noong Setyembre 20 ay sinampal umano ng guro ang anak matapos na isumbong ang kanyang maiingay na mga kaklase.

Sumakit umano ang tenga ng bata at parang nabingi dahil sa lakas ng sampal, ngunit nagawa pa nitong makapasok ng tatlong araw.

Noong Setyembre 26, hindi na umano makayanan ng bata ang matinding pananakit ng ulo kaya’t isinugod na ito sa pagamutan ngunit na-comatose at malaunan ay binawian ng buhay noong Oktubre 2 ng umaga.

Anang ginang, nagkaroon umano ng pagdurugo sa utak na posibleng ikinamatay ng anak.

Maki-Balita: Pagkamatay ng Grade 5 student na ‘sinampal’ ng guro, iniimbestigahan na ng DepEd

Samantala, mariin naman nang pinabulaanan ng guro ang akusasyon ng pananampal.