Kinomentuhan ng ilang netizen ang reaksiyon at komento ni GMA Network TV host/trivia master Kuya Kim Atienza sa makahulugang Instagram post ni Kamikazee lead vocalist Jay Contreras, na ikinokonekta ng mga netizen sa naganap na pagpapalayas umano sa banda ni Sorsogon Governor Edwin “Boboy” Hamor, sa ginanap na Casiguran Town Fiesta 2023 noong Linggo, Oktubre 1.
Sa ulat ng GMA News, malinaw na ipinahayag ni Public Information Officer of Sorsogon Dan Mendoza na nagalit umano ang gobernador sa pagtanggi ng banda na magpa-picture sa “16,000 blue roses” na tourist attraction ng lugar.
Pumayag umano noong una ang Kamikazee pero hindi naman daw sumipot noong oras na ng pictorial.
“Inuulit ko, hindi tayo pwede bastusin…Pinipilit ko, pinipilit ko na itaas ang dignidad ng bawat Sorsoganon,” pahayag pa ng gobernador.
Dagdag pa niya, hindi na raw makakabalik pa sa Sorsogon ang Kamikazee dahil marami naman umanong banda na handang magpasaya sa kaniyang mga nasasakupan.
Bilang pakonsuwelo, sinabi niya sa mga tao na pasasayahin sila ni “Unkabogable Star” Vice Ganda at dadalhin pa sa lugar nila si “Popstar Royalty” Sarah Geronimo.
Sa huli, humingi siya ng paumanhin sa lahat ng mga taong dumalo sa pagtitipon.
Sa kaniyang Instagram posts naman, ibinahagi ni Jay ang tatlong larawan niya na naka-black and white na may caption na "Choose/I Choose Love."
View this post on Instagram
Hindi naman malinaw kung tungkol ito sa insidente subalit mababasa sa comment section ang pagbuhos ng suporta mula sa netizens.
Sa isa sa mga Instagram post ay mababasa ang reaksiyon na ipinost ng verified Instagram account ni Kuya Kim.
"Hahahaha dapat lang," komento ni Kuya Kim na may hashtag na "#whenyouknowyouknow."
Ngunit ilang netizen ang nagkomento rito.
"@kuyakim_atienza umeepal kana naman."
"@kuyakim_atienza pa bibo naman"
"@kuyakim_atienza amaccanaaaa kuya kim! huhu"
Samantala, wala pang reaksiyon o pahayag si Kuya Kim tungkol dito. Hindi rin siya nagkomento sa hanash sa kaniya ng mga nabanggit na netizen.
MAKI-BALITA: Gobernador, dismayado: Kamikazee, ‘pinalayas’ sa Sorsogon
MAKI-BALITA: Matapos mapalayas Kamikazee sa Sorsogon: Jay Contreras, may cryptic posts