Pinuri ni showbiz columnist Cristy Fermin ang unica hija ni Aga Muhlach na si Atasha Muhlach sa kaniyang programang “Showbiz Now Na” noong Biyernes, Setyembre 29.

Inuna raw kasi muna ni Atasha ang kaniyang pag-aaral kaysa pag-aartista. Sa katunayan, sa ibang bansa pa umano sila nagtapos ng kambal niyang si Andres Muhlach.

“Hindi po siya isinalang agad ng kaniyang mga magulang sa bukid na parang kalabaw para mag-araro at pagkakitaan, di ba. Edukasyon muna. Napakaganda,” pahayag ni Cristy. 

Dagdag pa niya: “E, saan pa ba magmamana? Aga Muhlach, Charlene Gonzales. Alangan namang mamunga pa ng iba. At napakabait na bata.”

Atasha Muhlach, bagong Dabarkads

Hindi naman naiwasang ikumpara si Atasha sa anak nina Zoren Legaspi at Carmina Villarroel na si Cassy Legaspi, na ayon sa paglalarawan ng co-host ni Cristy na si Wendell Alvarez ay taliwas na taliwas umano sa katangian ni Atasha.

“Maganda naman siya [Cassy]. Pero parang inuna yata ‘yung pagpasok sa showbiz kumpara doon sa edukasyon. Dapat inuna muna ‘yung edukasyon bago pumasok doon sa, sa showbiz,” saad ni Wendell.

Matatandaang kamakailan lang ay winelcome na ng “E.A.T.” si Atasha bilang bagong miyembro ng Dabarkads hosts.

Samantala, si Cassy naman ay host sa Eat Bulaga ng Kapuso Network kasama ang kakambal na si Mavy Legaspi.

https://balita.net.ph/2023/06/05/eat-bulaga-umere-na-muli-nang-live-kasama-ang-bagong-hosts/