Napanatili ng Typhoon Jenny ang lakas nito habang kumikilos pa-west northwest sa Philippine Sea, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Martes, Oktubre 3.
Sa tala ng PAGASA kaninang 5:00 ng umaga, huling namataan ang sentro ng Typhoon Jenny 350 kilometro ang layo sa silangan ng Basco, Batanes, na may lakas ng hanging aabot sa 165 kilometers per hour at pagbugsong 205 kilometers per hour.
Kumikilos ito pa-west northwest sa bilis na 15 kilometers per hour.
Dahil dito, nananatili sa Signal No. 2 ang Batanes.
"Minor to moderate impacts from gale-force winds are possible within any of the areas under Wind Signal No. 2," paalala ng PAGASA.
Samantala, nakataas sa Signal No. 1 ang mga sumusunod na lugar:
- Cagayan kabilang na ang Babuyan Islands
- Northern at eastern portions ng Isabela (Maconacon, Divilacan, Palanan, Santa Maria, San Pablo, Tumauini, Cabagan, Ilagan City, San Mariano, Santo Tomas, Dinapigue, Benito Soliven, Naguilian, Gamu, Quirino, Delfin Albano, Quezon, Mallig)
- Apayao
- Northeastern portion ng Abra (Tineg, Lacub, Malibcong)
- Northern portion ng Kalinga (Balbalan, Pinukpuk, Rizal, City of Tabuk)
- Ilocos Norte
“Minimal to minor impacts from strong winds are possible within any of the areas under Wind Signal No. 1,” saad ng PAGASA.
Samantala, patuloy umanong palalakasin ng Typhoon Jenny ang southwest monsoon o habagat, na posible namang magdala ng occasional hanggang monsoon rains sa western portions ng Central Luzon, Southern Luzon, at Visayas sa susunod na tatlong araw.
Dahil sa pinalakas na habagat, posible umanong makaranas ng gusty conditions ang Aurora, Bataan, Bulacan, Metro Manila, CALABARZON, Bicol Region, at malaking bahagi ng MIMAROPA at Western Visayas ngayong Martes.
Inaasahan naman umanong lalabas ng Philippine area of responsibility (PAR) ang bagyo sa Huwebes ng umaga o tanghali, Oktubre 5.