Bumagal ang Tropical Storm Jenny habang kumikilos ito pa-northwest sa Philippine Sea, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Sabado ng hapon, Setyembre 30.
Sa tala ng PAGASA kaninang 5:00 ng hapon, huling namataan ang sentro ng Tropical Storm Jenny 995 kilometro ang layo sa silangan ng Central Luzon, na may lakas ng hanging aabot sa 65 kilometers per hour at pagbugsong 80 kilometers per hour.
Kumikilos ito pa-northwest sa bilis na 10 kilometers per hour.
Ayon sa PAGASA, sa ngayon ay walang direktang epekto ang Tropical Storm Jenny sa bansa. Gayunpaman, dahil umano sa proximity ng track forecast sa Extreme Northern Luzon, maaaring magkaroon ng mga pag-ulan sa Batanes at Babuyan Islands pagsapit ng Martes, Oktubre 3, o sa Miyerkules, Oktubre 4.
Bukod dito, posible umanong palakasin ng bagyo ang southwest monsoon o habagat, na magreresulta sa posibleng mga pag-ulan sa kanlurang bahagi ng Southern Luzon at sa Visayas bukas, Linggo, Oktubre 1.
Inaasahan namang patuloy na lalakas ang bagyong Jenny at maaari umano itong umabot sa severe tropical storm category bukas. Dagdag pa rito, raaari rin umano itong itaas sa Typhoon category pagsapit ng Lunes ng gabi, Oktubre 2, o sa Martes.