Lumakas pa ang bagyong Jenny at isa na itong ganap na tropical storm, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Sabado ng umaga, Setyembre 30.

Sa tala ng PAGASA kaninang 5:00 ng umaga, huling namataan ang sentro ng Tropical Storm Jenny 1,145 kilometro ang layo sa silangan ng Central Luzon, na may lakas ng hanging aabot sa 65 kilometers per hour at pagbugsong 80 kilometers per hour.

Kumikilos ito pakanluran sa bilis na 15 kilometers per hour.

“Tropical Storm JENNY is not directly affecting the country at this time. However, due to the proximity of the track forecast to Extreme Northern Luzon, heavy rainfall over Batanes and Babuyan Islands may be experienced on Tuesday or Wednesday,” anang PAGASA.

Eleksyon

Mayor Leni sa ‘Pink Movement’: ‘Masaya akong ‘di nawalan ng pag-asa yung mga tao’

Bukod dito, posible umanong palakasin ng bagyo ang southwest monsoon o habagat, na magreresulta sa posibleng ilang mga pag-ulan sa kanlurang bahagi ng Southern Luzon at Visayas bukas, Linggo, Oktubre 1.

Inaasahan namang patuloy na lalakas ang bagyong Jenny at maaari umano itong umabot sa severe tropical storm category bukas. Maaari rin umano itong itaas sa kategoryang Typhoon pagsapit ng Lunes ng gabi, Oktubre 2, o sa Martes, Oktubre 3.