Naglabas ng pahayag ang Dibisyon ng Kasaysayan, Unibersidad ng Pilipinas Los Baños, hinggil sa umano’y paglilista ng “Philippine History” bilang “New People’s Army (NPA) subjects” sa kanilang official Facebook page noong Miyerkules, Setyembre 27.
Naniniwala umano ang dibisyon na mapanganib at nakakabahala ang nilalaman ng inihaing pananaliksik ng Center for Preventing and Countering Violent Extremism, sa ilalim ng Armed Forces of the Philippines (AFP), kung saan nakalista ang “Philippine History” bilang isa umano sa mga “NPA subjects.”
“Layon ng AFP research center na ito sa kabilang banda na magmungkahi sa Commission on Higher Education (CHED) at Department of Education (DepEd) ng mga subject gaya ng ‘Benefits of Martial Law to the Economy’,” pahayag ng dibisyon.
“Ang isyung ito na sumulpot sa gitna ng deliberasyon ng 2024 proposed budget ng Department of National Defense (DND) sa Kamara ay kabalintunaang nangyari pa isang araw bago ang Setyembre 21 kung kailan ginugunita ng bayan ang ika-51 anibersaryo ng deklarasyon ng batas militar ng pinatalsik na diktador, Ferdinand Marcos, Sr., at sa gitna ng kaliwa’t kanang interogasyon sa hindi makatwirang paggamit ng administrasyong Marcos-Duterte ng confidential funds.”
Dahil sa hakbang na ito ng AFP, manganganib umano ang mga guro at mag-aaral ng Kasaysayan lalo na sa panahon ng maigting na kampanyang anti-insurhensya ng pamahalaan sa ilalim ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict o NTF-ELCAC.
“Ito rin ay nakababahala dahil ito ay direktang atake sa disiplina ng kasaysayan at sa academic freedom ng mga paaralan at pamantasan na nagnanais turuan ng kritikal at historikal na pag-iisip ang kabataan, mga bagay na susi para sa isang lipunang may paninindigan para sa kalayaan, demokrasya, katarungang panlipunan, at iba pa.”
Dagdag pa ng dibisyon: “Higit pa rito, lumilitaw na nagiging kasangkapan ngayon ang AFP para sa state-sponsored disinformation at historical distortion na nagbigay daan para sa rehabilitasyon ng pamilya ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. sa kapangyarihan”.
Sa huli, nagpahayag ang dibisyon ng pagtutol sa anomang pagbabanta–lantaran man o hindi– sa paraan ng pagtuturo ng Kasaysayan. Nanawagan din sila sa mga kapuwa guro, mag-aaral, at mananaliksik na magmatyag at masugid na ipagtanggol ang kasaysayan.
“Huwag itong salingin sapagkat walang ibang bersyon ng kasaysayan kung hindi iyong nakabase lamang sa katotohanan,” saad pa nito.
Matatandaang nitong Miyerkules, Setyembre 20, inusisa ni Kabataan party-list Representative Raoul Manuel ang nilalaman ng nasabing pananaliksik ng AFP kung saan itinuturing na “NPA subject” ang “Philippine History”.
Bukod pa rito, kumalat din kamakailan sa social media ang memorandum na nag-uutos umanong palitan ang “Diktadurang Marcos” ng “diktadura” sa bagong kurikulum na planong ipatupad ng DepEd.