Nakapasok na ng Philippine area of responsibility (PAR) at isa nang ganap na bagyo ang binabantayang low pressure area (LPA) sa silangang bahagi ng Central Luzon, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Biyernes ng hapon, Setyembre 29.
Pinangalanan ang bagyo na “Jenny.”
Sa ulat ng PAGASA dakong 5:00 ng hapon, naging isang tropical depression ang naturang LPA dakong 2:00 ng hapon.
Huli umanong namataan ang Tropical Depression Jenny 1,400 kilometro ang layo sa silangan ng Southeastern Luzon, na may maximum sustained winds na aabot sa 45 kilometers per hour at pagbugsong aabot sa 55 kilometers per hour.
Kumikilos ito pakanluran sa bilis na 20 kilometers per hour.
Ayon sa PAGASA, walang direktang epekto ang Tropical Depression Jenny sa bansa. Gayunpaman, maaari ito umano itong magresulta ng pag-ulan sa Batanes at Babuyan Islands sa susunod na limang araw.
Bukod dito, posibleng palakasin ng bagyo ang southwest monsoon o habagat simula sa Linggo, Oktubre 1, na magreresulta sa ilang mga pag-ulan sa kanlurang bahagi ng Central at Southern Luzon.
Inaasahan naman patuloy na lalakas ang bagyong Jenny at maaari umano itong umabot sa tropical storm category bukas ng hapon, Sabado, Setyembre 30. Maaari itong itaas sa kategoryang Typhoon pagsapit ng Miyerkules, Oktubre 4, habang papalapit ito sa Batanes area.
Ang bagyong Jenny ang ikasampung bagyo ngayong taon at pangalawa para sa buwan ng Setyembre.