Comelec control sa Socorro, Surigao del Norte 'di na kailangan -- Garcia
Hindi na kailangang isailalim sa kontrol ng Commission on Elections (Comelec) ang Socorro, Surigao del Norte para sa Barangay at Sangguniang Kabataan elections (BSKE).
Ito ang nilinaw ni Comelec chairperson George Garcia at sinabing walang dapat ipangamba dahil positibo ang naging assessment ng field personnel ng ahensya, Armed Forces of the Philippines, Philippine National Police, at Philippine Coast Guard.
Inilabas ng Comelec ang reaksyon sa gitna ng alegasyong isa umanong kulto ang Socorro Bayanihan Services, Inc. (SBSI).
Pagbibigay-diin ni Garcia, walang kaugnayan sa halalan ang usapin sa nasabing grupo.
Wala rin aniyang problema sa seguridad sa Caraga Region na nasa "green" category.
Ang Socorro, Surigao del Norte ay saklaw ng naturang rehiyon.
Nakatakdang isalang sa imbestigasyon ng Senado ang mga lider ng SBSI dahil sa alegasyong panggagahasa sa mga miyembro nito, pagkakasangkot ng grupo sa illegal na droga at pagkakaroon ng private army.
Sisimulan ang imbestigasyon sa Setyembre 28.