Sinagot na ni Carla Abellana ang mga bulung-bulungang tatapusin lang niya ang seryeng "The Stolen Life" kasama sina Gabby Concepcion at Beauty Gonzalez na ilalagay sa line-up ng GMA Afternoon Prime, pagkatapos ay lulundag na siya sa ABS-CBN.

Sa ulat ng PEP, ayon sa isinagawang media conference kay Carla matapos ang pagpirma ng kontrata sa bagong talent management na pagmamay-ari ni Direk Mike Tuviera, ang Triple A o All-Access To Artists, inamin ni Carla na as of the moment ay wala pa siyang network contract sa GMA Network.

"It's the truth naman po na wala naman po akong pinipirmahan pang kontrata with any network," saad ng aktres.

Noong Mayo pa raw napaso ang kontrata niya sa home network subalit hanggang ngayon, wala pa siyang exclusive contract dito.

Eleksyon

Kabataan Party-list, itutulak pagpapatalsik kay VP Sara

Kaya palagay ni Carla, dito nanggagaling ang tsikang may posibilidad na lumayas na siya sa Kapuso Network na naging tahanan niya sa mahabang panahon, at makipagsapalaran sa Kapamilya Network.

Umiikot nga ang tsikang isasabak siya sa hit teleseryeng "FPJ's Batang Quiapo" na namamayagpag sa TV ratings, kahit tinapatan ito ng "Maging Sino Ka Man" nina Barbie Forteza at David Licauco o kilala sa tawag na tambalang "BarDa."

Pinabulaanan ni Carla na mapapabilang siya sa serye ni Coco Martin. Pero kung magkakaroon daw ng offer, aba'y isang malaking karangalan daw kung sakali.

Pahayag ng aktres, "Kung bibigyan po ako ng opportunity, why not? My goodness! I would love to be part of Batang Quiapo. Pero wala naman pong offer," ani Carla.

Sa kabuuan, wala naman daw offer na kahit na anong proyekto ang kabilang bakod sa kaniya.

Inamin ni Carla na kung siya ang tatanungin, mas nais niyang manatili bilang isang Kapuso, kaya mukhang iwo-work-out pa ang posibleng network contract.

At pagdating naman sa tsikang kaya siya aalis ay dahil babalik na ang estranged husband na si Tom Rodriguez, sinabi mismo ni Carla na wala itong kaso sa kaniya.

MAKI-BALITA: ‘Pag-move on sa lovelife o network transfer?’ IG post ni Carla palaisipan sa netizens