Ibinahagi ng beteranang aktres na si Lorna Tolentino ang pangako umano ng kaniyang yumaong asawang si Rudy Fernandez nang makapanayam siya ni Korina Sanchez nitong Linggo, Setyembre 24.

Tinanong kasi ni Korina kung ano raw ang binitawang biro ni Rudy kay Lorna nang makita siya nito noong bata siya.

Pero tila hindi biro ang binitawan ni Rudy sa kaniya dahil ang sey ni Lorna, katuparan umano iyon ng isang pangako.

“Actually ang sinabi niya sa akin, tinupad daw niya ‘yung pangako niya noong pinakasalan niya ako,” saad ni Lorna.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

“Ano ‘yung pangakong ‘yun?” sundot ni Korina.

“Ang pangakong pakakasalan niya nga ako noong makita niya ako noong seven years old ako.”

Hindi naman umano naging mahirap para kina Lorna at Rudy ang set up ng kanilang relasyon kahit pareho sila ng piniling propesyon–which is pag-aartista. Ang totoo, mas okay pa nga raw na ganoon dahil mas malaki ang posibilidad na magkaintindihan sila.

Marami rin umanong natutuhan si Lorna mula kay Rudy na hanggang ngayon ay napapakinabangan niya bilang artista. Gaya halimbawa ng pakikisama sa mga katrabaho. O kung paano dapat mahalin ang trabaho.

Sina Mark Anthony Fernandez, Renz Fernandez, Rafael Fernandez ang naging bunga ng pagmamahalan nina Rudy at Lorna. Sa kasamaang palad, binawian si Rudy ng buhay noong Hunyo 7, 2008 dahil umano sa periampullary cancer.

Mapapanood ang kabuuang panayam ni Lorna sa Korina Interviews sa NET25.