Sa utos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., pinutol at tinanggal na ng Philippine Coast Guard (PCG) ang floating barrier na pinangharang ng China sa Bajo De Masinloc, mas kilala bilang Panatag Shoal o Scarborough Shoal, na nasa Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas.
Sa ulat ng PCG nitong Martes, Setyembre 26, alinsunod sa direktiba ng Pangulo ay inatasan umano ni National Task Force for West Philippine Sea (NTF-WPS) Chairman at National Security Adviser Eduardo Año ang coast guards na magsagawa ng espesyal na operasyon para alisin ang floating barrier na humarang sa timog-silangan ng entrance ng Bajo De Masinloc.
“The decisive action of the PCG to remove the barrier aligns with international law and the Philippines’ sovereignty over the shoal," pahayag ni PCG spokesperson for West Philippine Sea (WPS) Commodore Jay Tarriela.
Ayon pa kay Tarriela, nagdulot ang naturang boya ng panganib sa paglalayag ng mga mangingisda, at isa raw itong malinaw na paglabag sa international law.
"It also hinders the conduct of fishing and livelihood activities of Filipino fisherfolk in BDM (Bajo De Masinloc), which is an integral part of the Philippine national territory," aniya.
Samantala, binigyang-diin din ni Tarriela na pinatunayan ng 2016 Arbitral Award na tradisyunal na fishing ground ng mga mangingisdang Pilipino ang Bajo De Masinloc.
"Thus, any obstruction hindering the livelihoods of Filipino fisherfolk in the shoal violates the international law. It also infringes on the Philippines' sovereignty over BDM," ani Tarriela.
"The PCG remains committed to upholding international law, safeguarding the welfare of Filipino fisherfolk, and protecting the rights of the Philippines in its territorial waters,” saad pa niya.
Matatandaang inulat ng PCG kamakailan na natuklasan nila ang naturang 300 metrong floating barrier nang magsagawa umano ng maritime patrol ang kanilang mga tauhan at ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa binisidad ng Panatag Shoal noong Biyernes, Setyembre 22.