Hindi naman daw nawawalan ng pag-asa ang tinaguriang "King of Pinoy Teleserye Theme Songs" na si Kapamilya singer Erik Santos na someday, makakatagpo niya ang taong nakatadhana para sa kaniya, at makakasama niya habambuhay.

Sa naganap na media conference para sa kaniyang 20th anniversary concert, inamin ni Erik na hindi kagaya ng mga nagdaang buwan, maayos-ayos na ang kaniyang kalooban matapos sunod-sunod na bagyuhin ng mga pagsubok sa usaping pampamilya.

Matatandaang matapos pumanaw ng kaniyang ina, sumunod naman dito ang kaniyang ama, wala pang isang taon o hindi pa man siya ganap na nakakapagbabang-luksa.

Sunod-sunod man ang naging dagok sa kaniyang personal na buhay ay nananatiling propesyunal si Erik, dahil sunod-sunod din ang dating ng trabaho. Bukod sa "ASAP Natin 'To" ay naghahanda nga siya para sa kaniyang concert na sadly, hindi na nga masasaksihan ng kaniyang mga magulang.

National

Mga residente sa Bicol region, stranded dahil sa malawakan at lagpas taong pagbaha

Anyway, nakatkat tuloy ng media peepz ang tungkol sa buhay-pag-ibig lalo't ulila na siya.

Anang Erik, sa ngayon daw ay hindi pa siya handang pumasok sa isang relasyon subalit bukas pa rin naman siya sa posibilidad na makilala ang babaeng mapapangasawa at magiging ina ng kaniyang anak.

Narealize daw niyang hindi rin naman magandang nag-iisa sa buhay kaya idinadasal niya na sana'y dumating at makilala na niya ang "The One."

"I’m really praying, in the near, near, near future na magkaroon na rin po ako ng sarili kong pamilya," anang Erik.

Nang mauntag sa katangian ng isang ideal partner niya, una na raw dito ang pagiging "maganda." Siyempre raw, paggising sa umaga, ito raw ang katabi at bubungad sa kaniya!

"Siyempre, maganda. Kasi gusto mo namang gumising nang every morning na maganda ‘yong nakikita mo, ‘di ba?” anang Erik.

Pero to be honest daw, "Siyempre, ‘yong mauunawaan ang trabaho ko at makakasundo ko at makakasundo ng personalidad ko. Makakapag-adjust ako at the same time, makakapag-adjust siya sa akin...

Nang matanong kung taga-showbiz ba o non-showbiz o mapa-beauty queen ang level, kahit sino o ano raw basta maganda. Maganda sa panlabas at maganda sa kalooban dahil ito raw ang pinakamahalaga naman sa lahat

"Kahit sino. Magiging choosy pa ba ako? Basta maganda," aniya.

"Kailangang maganda at maganda ang kalooban. Iyon naman kasi talaga ang pinaka-importante sa lahat," dagdag pa ng singer.

Matatandaang ang huling babaeng napabalitang nakarelasyon ni Erik ay ang sexy comedienne na si Rufa Mae Quinto subalit hindi rin nagtagal ang kanilang relasyon.

Tinukso-tukso rin siya kay "Queen of Pinoy Teleserye Theme Songs" Angeline Quinto subalit iginiit nilang magkaibigan lamang sila. Sa ngayon ay may partner at anak na si Angge.