Inatasan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na magpamigay ng cash assistance sa mga sari-sari store owner na apektado ng price ceiling sa bigas.
Sa ulat ng Presidential Communications Office (PCO), nakatakda umanong mamigay ng cash assistance ang DSWD sa mga apektadong sari-sari store owner sa Setyembre 25 hanggang 29, 2023, alinsunod sa direktiba ni Marcos.
Makikipag-ugnayan din umano ang ahensya sa Department of Trade and Industry (DTI) pagdating sa pagtukoy sa mga benepisyaryo.
Matatandaang nagtakda ang Pangulo kamakailan ng price ceiling sa bigas sa buong bansa sa gitna ng nakaaalarmang pagtaas ng presyo nito sa merkado.
“Under EO 39, the mandated price ceiling for regular milled rice is ₱41.00 per kilogram while the mandated price cap for well-milled rice is ₱45.00 per kilogram,” ayon sa Malacañang.
MAKI-BALITA: Marcos, nagtakda ng rice price ceilings nationwide
Batay sa pinakahuling ulat ng DSWD, inihayag nitong nakapaglabas na sila ng ₱92.415 milyong halaga ng tulong pinansyal sa 6,161 mula sa 8,390 na target na micro at small rice retailers na apektado ng pagpapatupad ng naturang EO 39 sa buong bansa.