TRIGGER WARNING: SUICIDE, DEPRESSION

Matapos ang naging umano’y “suicide joke” ni Joey de Leon sa isang segment ng E.A.T., inungkat ng ilang netizens ang naging banat ng comedy-host noong 2017 tungkol sa “depresyon.”

Matatandaang sa "Juan for all, all for Juan” segment ng Eat Bulaga noong ">Oktubre 5, 2017, kung saan napapanood noon ang E.A.T. hosts, bumisita ang hosts na sina Jose Manalo, Wally Bayola, Alden Richards, at Maine Mendoza sa kanilang napiling “Dabarkads” na may kinahaharap daw na depresyon.

“‘Yung depression, gawa-gawa lang ng mga tao ‘yan, gawa nila sa sarili nila,” saad naman ni Joey sa gitna ng kanilang pag-uusap.

Marcoleta, pinigilang magtanong tungkol sa proposed ₱6.352-trillion 2025 nat'l budget

Doon ay nagsimula na ulit magbiruan ang ibang hosts bago magsalita si Maine.

“Uy pero hindi biro ‘yan ah, ‘yang depression. Kasi syempre maraming nakakaranas ng gano'n, lalo na sa mga kabataan, kaya dapat kapag may nakakaranas ng ganon, bigyan natin ng suporta,” ani Maine.

“Hindi, wag n’yong suportahan, gawa-gawa lang niya ‘yun,” biglang sagot naman agad ni Joey kay Maine.

“‘Pag mayaman depression, pag mahirap, wala nang pag-asa sa buhay. Ganon ‘yun eh,” saad pa niya. 

Dahil dito, umani ng samo’t saring pambabatikos si Joey, kung saan matatandaang nanawagan pa si dating Health Secretary Paulyn Jean Ubial na dapat daw na maging responsable ang bawat isa kapag depresyon ang pinag-uusapan.

MAKI-BALITA: Depression ‘wag balewalain — DoH chief

Matapos naman ang isang araw, naglabas ng public apology si Joey at inaming nagkamali daw siya at humingi rin ng tawad kay Maine.

“Dala ng gulo at tuksuhan natin, naging mababaw lang at magaan ang pagtanggap ng inyong lingkod sa salitang 'yan. Hanggang nabanggit ko nga 'yung 'Wala, gawa-gawa lang 'yan ng ibang tao.' 'Yun kasi ang paniniwala ko na ang stress saka depression, halos magkapantay lamang. Huwag n’yong asahan na alam ko ang lahat ng bagay sa mundo. Habang nabubuhay po tayo eh natututo tayo ng mga bagong mga bagay-bagay. Nagkamali po ako… Ako'y nanghihingi ng paumanhin sa mga napaitan sa mga nabanggit ko at humihingi ng inyong unawa," matatandaang paghingi ng paumanhin ni Joey sa segment ng Eat Bulaga noong ">Oktubre 6, 2017.

Samantala, ilang netizens ang muling nag-ungkat sa naturang naging banat ni Joey noong 2017 dahil sa isang hirit niya nito lamang Sabado, Setyembre 23, hinggil sa sagot niyang “lubid” sa tanong tungkol sa “mga bagay na sinasabit sa leeg.”

Ayon sa ilang netizens, tila hindi raw “nagtanda” si Joey dahil inulit na naman umano niyang gawing biro ang sensitibong usapin.

Narito ang ilang komento sa platapormang X:

“Hasn’t maine already disciplined you on that matter? grabe ka na joey de leon, paiyak iyak ka pa nagssorry sa tv, di ka naman pala natututo.”

“Buti na lang wala si Maine ngayon 😬 Joey de Leon and his inappropriate jokes 🥴.”

“Di lang ito ang unang pagkakataon na ginawang biro ni Joey De Leon ang mental health. Walang pagbabago. Tumatanda pa ring paurong.

Kinalampag din naman ng ilang netizens si Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) chair Lala Sotto na aksyunan umano ang naturang banat ni Joey.

MAKI-BALITA: Lala Sotto, muling kinalampag dahil sa ‘lubid’ na banat ni Joey de Leon sa E.A.T.

-

**Kung ikaw o ang iyong mahal sa buhay ay nakararanas ng depresyon at nag-iisip na mag-suicide, maaari kang tumawag sa National Mental Health Crisis Hotline sa 1553 (Luzon-wide, landline toll-free), 0966-351-4518, 0917-899-8727 o 0917-899-USAP para sa Globe/TM users, o sa 0908-639-2672 para naman sa Smart users.