https://balita.net.ph/2023/09/21/lagman-hinikayat-mga-pinoy-na-alalahanin-ang-martial-law/Hindi naglabas ng pahayag ang Malacañang hinggil sa ika-51 anibersaryo ng Batas Militar na idineklara ng ama ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na si dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.
Sa ulat ng ABS-CBN, sinabi umano ng Malacañang na hindi ito maglalabas ng pahayag sa paggunita ng anibersaryo ng deklarasyon ng Batas Militar nitong Huwebes, Setyembre 21, 2023.
Samantala, sa plenary debate ng Kamara para sa 2024 Budget Deliberations nito ring Huwebes, kinuwestiyon ni Albay 1st district Rep. Edcel Lagman si House appropriations vice chair Stella Quimbo, na siyang sponsor ng proposed 2024 budget ng Presidential Communications Office (PCO), tungkol sa hindi paglalabas ng pahayag ng PCO hinggil sa anibersaryo ng deklarasyon ng Batas Militar.
“The PCO’s mandate is to communicate pronouncements from Malacañang. On its own, it cannot make a statement unless made by Malacañang,” saad naman ni Quimbo.
Kaugnay nito, kinumpirma ni Quimbo na wala umanong natatanggap na direktiba ang PCO mula sa Malacañang upang maglabas ng pahayag hinggil sa ika-51 anibersaryo ng deklarasyon ng Martial Law.
“There can be no forgiveness without remorse and repentance from the surviving Martial Law from the surviving martial law implementers, perpetrators and beneficiaries. Would you agree with that statement?” pagkuwestiyon pa ni Lagman kay Quimbo.
“Yes, Madam speaker,” sagot naman nito sa naturang pagdinig.
Matatandaang Setyembre 21, 1972 nang lagdaan umano ni dating Pangulong Marcos Sr. ang Proklamasyon Blg. 1081, na nagpapataw ng Batas Militar sa buong Pilipinas.
Ayon sa mga ulat, libo-libo ang inaresto, binilanggo, at pinaslang sa ilalim ng umano’y tinaguriang “dark chapter” ng kasaysayan ng bansa.
https://balita.net.ph/2023/09/21/lagman-hinikayat-mga-pinoy-na-alalahanin-ang-martial-law/