Sinong mag-aakalang ang dating karibal mo lang sa academics ay magiging jowa mo, at siya pala ang makakasama panghabambuhay?

Iyan ang kinakikiligang istorya ng pag-iibigan ng engaged couple na sina Princess Turda, isang guro, at Reyjhie de Torres na isa namang electrical technician.

Viral kasi ang kanilang pre-wedding video kung saan mapapanood dito ang kuwento sa likod ng kanilang cute love story. High school pa lang ay mag-sweetheart na sila subalit hindi ito naging hadlang upang magpabaya sila sa pag-aaral.

Sila lang naman ang class valedictorian at salutatorian ng kanilang batch!

Human-Interest

Jeepney driver, nilibre ng pamasahe estudyanteng tumulong sa kaniya noong pandemya

Ayon kay Princess, para sa kaniya ay wala namang masamang ma-in love sa high school life subalit dapat pa ring bigyang-prayoridad ang pag-aaral. Kaya payo niya sa kabataan ngayon, gawing inspirasyon sa pag-aaral ang kilig.

"Madami daw kaming napakilig 🥰❤️."

"Sana marami rin kaming nainspire lalo sa mga kabataan ngayon. Hindi masama ang ma inlove habang nag-aaral, gawin ninyong inspirasyon ang bawat isa upang mas malinaw ninyong makita ang mga pangarap."

"Nararapat din na bigyang halaga ang pag-aaral sapagkat dito nakasalalay ang inyong kinabukasan, para sa mga kabataan dapat ninyong isaalang-alang ang pagbabalanse sa dalawa upang magkaroon ng mas mabuting resulta, huwag ninyong hayaang masira ng pakikipagrelasyon ang inyong pag-aaral at huwag niyo rin pigilan ang inyong sarili na magmahal."

"Higit sa lahat, gawin ninyong sentro ng inyong pagmamahalan ang Diyos ☝️😇," aniya.

Sa eksklusibong panayam naman ng Balita kay Princess, sinabi niyang bago sila maging magkasintahan ni Reyjhie noon ay naging mahigpit muna silang karibal pagdating sa klase. Noon daw ay bagong transfer lang daw si Reyjhie mula sa Bicol. Kapatid daw ito ng kanilang class adviser. Noong una raw ay hindi niya bet si Reyjhie at "kalaban" ang tingin niya rito.

"Kapatid s'ya ng adviser namin kaya noong nalaman ko na may transferred in kaming kaklase ay nainis ako at kinabahan lalo na at nalaman ko na kapatid ng adviser namin ang bago namin kaklase 🤣," aniya.

"Unang kita ko sa kaniya, hindi ako interesado sa kaniya kasi ang nasa isip ko noon kalaban ko s'ya 🤣," pag-amin pa ng guro.

Kabaligtaran naman kay Reyjhie dahil unang kita pa lang daw sa kaniya nito ay tila "na-love at first sight" na sa kaniya. Binigyan daw siya ng love letter at dito ay nagtapat na kaagad ng nararamdaman para sa kaniya.

"Sabi po niya unang kita lang niya sa akin (first day ng klase) ay na love at first sight daw talaga s'ya sa akin kaya 2 weeks after ay sinulatan n'ya ako dahil nagiging interesado na raw s'ya na kilalanin ako 🤣," kuwento pa ni Princess.

Hanggang sa nagkapalagayan daw sila ng loob at ang kompetisyon ay naging... romantikong relasyon!

Hindi na nila namalayang 12 taon na umanong magkarelasyon ang dalawa at ikakasal na sila sa Oktubre 28, 2023.

Ang viral pre-wedding video ay kuha ng J SHOTS Photography nina Joebert Acta at Jordan Villamor na highly recommended ng ikakasal.

Congrats, Princess at Reyjhie!

---

Nais mo bang mai-feature ang iyong storya o ‘di kaya mayroon kang larawan at video na gusto mong i-share? I-message mo lang kami sa aming Facebook at Twitter!