Viral ang Facebook post ng estudyanteng si "Lanimae Joy Libo-on Mag-aro" matapos umanong makaranas ng pamamahiya mula sa konduktor ng sinakyang modern jeepney, na naging dahilan upang bumaba siya rito at mapaiyak na lamang sa tabi ng kalsada.

Ayon sa kaniyang Facebook post, pagsampa pa lamang niya sa loob ng sasakyan ay nabody-shame na kaagad siya ng konduktor dahil sa size ng kaniyang katawan.

Hindi naman daw niya akalaing seryoso ito nang singilin na siya ng pamasahe at sabihing doble ang kailangan niyang bayaran.

Mga Pagdiriwang

ALAMIN: 10 bansang hindi nagdiriwang ng Pasko

Dahil estudyante siya at ₱11 ang student fare, sinabi raw ng konduktor na ₱22 ang dapat niyang bayaran dahil doble raw ang sakop ng kaniyang upo.

Isang pasahero na ang nakialam at sinaway ang konduktor na huwag nitong pagsalitaan nang ganoon ang pasaherong estudyante.

Wala nang nagawa ang estudyante kundi bumaba na raw at dito nga ay naiyak na siya sa nakaka-traumang karanasan, na unang beses lamang daw nangyari sa kaniya.

Agad na kumalat ang kaniyang FB post at habang isinusulat ang balitang ito ay umabot na sa 20k shares at 1.8k comments ito.

Nagpuyos naman sa galit ang mga netizen sa comment section at nag-demand ng public apology mula sa konduktor at pamunuan ng modern jeepney company.

Dahil naka-tag sa kaniyang viral post, nakarating sa pamunuan ang tungkol dito kaya agad silang naglabas ng public apology.

Maging ang isang pasaherong nakasaksi sa ginawa ng konduktor ay nag-post na rin tungkol dito at kinalampag ang pamunuan ng modern jeepney company. Aniya, labas sa "anti-discrimination act of 2011" ang ginawa ng konduktor na puwede niyang ikakulong, ikamulta, o ikawala ng trabaho.

Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Mag-aro, hindi pa raw nag-sorry sa kaniya nang personal ang konduktor, subalit nakipag-ugnayan naman sa kaniya ang pamunuan ng modern jeepney company upang humingi ng tawad.

"Wala pa siya ka-sorry personally. Pero nag-reach out na ang management. Nag-send sila ng letter of apology," kuwento ng estudyante sa Balita.

Samantala, sa opisyal na Facebook page naman ng modern jeepney company ay naglabas na sila ng public apology para sa estudyante at iba pang naapektuhan ng mga pangyayari.

---

Nais mo bang mai-feature ang iyong storya o ‘di kaya mayroon kang larawan at video na gusto mong i-share? I-message mo lang kami sa aming Facebook at Twitter!