Magandang balita para sa mga train commuters dahil nakatakda nang magbalik ngayong Miyerkules ng hapon ang biyahe ng mga tren ng Philippine National Railways (PNR) sa mga rutang Calamba hanggang San Pablo, at Lucena hanggang San Pablo.

Sa abiso ng PNR, nabatid na ang rutang Calamba hanggang San Pablo ay bibiyahe nang muli ganap na alas-6:30 ng gabi habang alas-5:50 naman ng gabi lalarga ang biyaheng Lucena hanggang San Pablo.

National

4.8-magnitude na lindol, yumanig sa Surigao del Sur

Samantala, simula naman bukas, Huwebes, Setyembre 21, balik na din sa normal ang biyahe ng PNR sa mga nabanggit na ruta.

Anang PNR, ang biyaheng San Pablo – Calamba ay aalis ng alas-6:25 ng umaga habang ang rutang Calamba – San Pablo naman ay bibiyahe, ganap na alas-6:30 ng gabi.

Ang biyaheng San Pablo – Lucena naman ay aalis ng alas-6:15 ng umaga.

Matatandaang Setyembre 7 ng gabi nang simulan ng PNR ang suspensiyon sa biyahe ng tren mula Calamba hanggang San Pablo at pabalik, bunsod nang isinagawang maintenance activity sa tren na ginagamit sa nasabing ruta.

Gabi naman ng Setyembre 15 nang simulang suspindihin ng PNR ang biyahe ng tren mula Lucena patungong San Pablo upang upang bigyang-daan ang preventive maintenance sa mga PNR trains para sa kaligtasan ng mga pasahero.