Nakatakdang magdaos ng isang banal na misa ang Simbahang Katolika ngayong Huwebes, Setyembre 21, sa EDSA Shrine para alalahanin at ipanalangin ang mga biktima ng Batas Militar.

Nabatid na ang naturang Mass for Martial Law Victims ay isasagawa sa Shrine of Mary, Queen of Peace o mas kilala bilang EDSA Shrine, dakong alas-12:15 ng tanghali, bilang paggunita sa ika-51 anibersaryo ng Martial Law declaration ng dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.

National

143 Pinoy, pinagkalooban ng pardon ng UAE – PBBM

Ang banal na misa ay pangungunahan nina Kalookan Bishop Emeritus Deogracias Yñiguez at Novaliches Bishop Emeritus Antonio Tobias.

Kaugnay nito, inanyayahan naman ng pamunuan ng EDSA Shrine ang publiko na sama-samang manalangin upang hindi na muling maulit pa ang Batas Militar.

Matatandaang taong 1972 nang magdeklara ng Martial Law si dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr..

Setyembre 23, 1972 umano nang malaman ng mamamayang Pilipino na nagsimula na ang Martial Law o ang Batas Militar sa ilalim ng administrasyon Marcos ngunit Setyembre 21, 1972 ang opisyal na petsang nakatala sa Proclamation 1081.