Ipinag-utos na ni Pope Francis ang pagpapatalsik sa pagkapari ng isang Filipino priest na inaakusahang sangkot sa umano’y pang-aabusong sekswal sa mga menor de edad.
Ang desisyon ng Santo Papa na alisin mula sa clerical state si Pio Aclon ay inianunsiyo ng Diocese of Borongan nitong Linggo sa kanilang Facebook page.
“Notice is hereby given that the Holy Father Pope Francis has dismissed from clerical state PIO CULTURA ACLON of the Diocese of Borongan,” anang Infomationis Causa na inilabas ng diyosesis.
“He is, therefore, no longer a cleric and cannot exercise priestly ministry in the Church,” nakasaad pa dito.
Ang naturang circular, na may petsang Hulyo 18, 2023 at pirmado ng Chancellor na si Father James Abella, ay nabatid na binasa rin nitong Linggo sa lahat ng parish churches, chaplaincies at mga chapels ng diocese.
Nabatid na si Aclon ay huling nagsilbi sa isang minor seminary sa Borongan bago sinuspinde ng diyosesis sa kanyang clerical duties.
Paulit-ulit naman umanong humingi ng paumanhin si Pope Francis hinggil sa mga pag-abusong kinasangkutan ng mga pari at nangakong kukumprontahin ang mga naturang abusers at bibigyan ng hustisya ang mga naging biktima nila.
Sa panig naman ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), tiniyak nito na walang anumang cover-up o pagtatakip na magaganap sa mga kaso ng sexual abuse na kinasasangkutan ng mga clergy.
Lumikha na rin ang CBCP ng isang tanggapan na tutulong sa pagbibigay ng proteksiyon sa mga menor de edad laban sa pang-aabusong sekswal ng mga clergy.
Nabatid na ang bawat diocese ay bumuo na rin ng sarili nilang sistema sa paghawak ng mga sumbong ng anumang sexual abuse o misconduct sa kani-kanilang hurisdiksiyon.