Bumaba sa 46% ang bilang ng mga Pilipinong naniniwalang tataas ang ekonomiya ng Pilipinas sa susunod na anim na buwan, ayon sa OCTA Research nitong Lunes, Setyembre 18.

Sa inilabas na “Tugon ng Masa” survey ng OCTA, inihayag nitong 4% ang ibinaba ng bilang ng mga Pilipinong nasa tamang edad na naniniwalang bubuti ang estado ng ekonomiya ng bansa.

Ito ay kung ikukumpara umano sa naging survey nito noong unang quarter ng taon.

50% ng mga Pinoy, naniniwalang bubuti ang ekonomiya ng ‘Pinas sa susunod na 6 buwan — OCTA

Samantala, base rin sa pinakabagong survey ng OCTA, 43% ang nagsabing magiging pareho lamang ang estado ng ekonomiya sa susunod na anim na buwan, habang 6% ang naniniwalang bababa ito.

Nasa 6% naman umano ang nagsabing hindi nila alam kung tataas ba o bababa ang ekonomiya ng Pilipinas sa susunod na anim na buwan.

Isinagawa umano ang nasabing survey mula Hulyo 22 hanggang 26, 2023 sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 1,200 mga Pilipino sa bansa na may edad 18 pataas.

Ang naturang survey ay mayroon umanong ±3% margin of error at 95% confidence level.