Isang guro mula sa Valenzuela ang kinaaliwan sa social media matapos itong magpaka-fur daddy habang nagtuturo sa kaniyang mga estudyante.

"Ang hirap maging ama at maging guro," saad ng guro na si Mark Anthony Amad, 33, sa kaniyang post sa Facebook group na CATS AND KITTENS Philippines.

Sa ngayon ay umabot na sa mahigit 8,100 reactions, 195 comments, at 748 shares ang naturang post ng guro.

Sa eksklusibong panayam ng Balita, ibinahagi ni Amad na may schedule ng grooming ang kaniyang fur baby nang araw na idala niya ito sa Dalandanan National High School, kung saan siya nagtuturo ng Philosophy sa Grade 12 students.

Human-Interest

Jeepney driver, nilibre ng pamasahe estudyanteng tumulong sa kaniya noong pandemya

"Dahil po limitado lang ang oras na meron kami bilang guro ay pinasya kong dalhin siya sa school para maihatid pagkatapos sa may Vet," kuwento ni Amad.

Masaya naman daw siya dahil nagdulot pa ng good vibes sa kaniyang mga estudyante ang kaniyang pusa.

"Naging kasiyahan siya ng mga bata noong nag-stay siya sa classroom ng isang subject," ani Amad.

"Masaya po sila na nagsasabing 'ang laki niyan sir ah'," dagdag pa niya.

Sa sampung taon umano niya sa pagiging public school teacher, ibinahagi ni Amad na bagama't nakakapagod ang pagtuturo, masasabi niyang "fulfilling" daw ito.

"Nakakapagod po dahil mahaba ang oras ng turo pero masaya dahil nakatulong tayo sa mga bata," ani Amad.

Nais mo bang mai-feature ang iyong storya o ‘di kaya mayroon kang larawan at video na gusto mong i-share? I-message mo lang kami sa aming Facebook at Twitter!