Kinaantigan sa social media ang naging pa-assignment ng gurong si Aira Castillo, 23, mula sa Jaen, Nueva Ecija, para sa kaniyang mga estudyante.

Sa isang viral video ni Castillo na umabot na ngayon sa 1.3 million views, maririnig ang words of wisdom na ibinabahagi niya sa kaniyang mga estudyante tungkol sa self-love. 

“I want you to remember that I am so proud in each one of you because you made it this far…

“Always remember that you are beautiful, you are enough, and you are loved, that’s why I want you to take a rest, enjoy your weekend with your family, treat yourself and let your weekend an acad-free,” ani Castillo sa kaniyang mga estudyante

Human-Interest

Jeepney driver, nilibre ng pamasahe estudyanteng tumulong sa kaniya noong pandemya

Sa eksklusibong panayam naman ng Balita, ibinahagi ni Castillo na dalawang taon na siyang nagtuturo, at isa siya ngayong Grade 12 teacher ng Media and Information Literacy sa Holy Cross College sa Sta. Rosa, Nueva Ecija.

Ayon kay Castillo, naisip niyang gawing assignment ang pagpapahinga dahil naranasan din daw niya noong nag-aaral pa lamang siya ang “pressure, stress at pagod” na nakikita niya sa kaniyang mga estudyante ngayon.

“Nakikita ko sa mga mata nila na napapagod na sila. Naniniwala ako na kailangan lang nila ng isang tao, isang tao na maniniwala na kaya nila. Isang tao na makakaintindi sa kanila. Gusto ko rin na ako ‘yung magsilbing safe place nila. ‘Yung hindi sila matatakot na magsabi kasi alam nila na may taong makikinig sa kanila,” aniya.

Ibinahagi rin ni Castillo na matapos niyang sambitin ang kaniyang pa-assignment, nakita raw niya na karamihan sa kaniyang mga estudyante ay naiyak dito.

“Hindi nila alam kung gaano kasakit din ‘yun para sa akin na makitang umiiyak sila sa harapan ko. Naramdaman siguro nila na may teacher na nagbibigay ng importansya sa kanila,” ani Castillo. “Maybe, most of them are healing in private. Maybe they are struggling with life and academics.”

“Sana, marami pa ring teachers ang yumakap sa pagkakaiba-iba ng ating mga mag-aaral. Sana, ang classroom ay magsilbing pangalawang tahanan. Hindi ‘yung mababalot ng takot ang mga bata dahil sobrang strict ni teacher, kasi napakalaking impact non sa mga bata,” saad pa niya.

Dahil dito, nagpahayag din ng mensahe si Castillo para sa kaniyang mga mag-aaral at mga kapwa guro na patuloy umanong nagsisilbing pangalawang magulang para sa kanilang mga estudyante.

“Para sa mga mag aaral, balang-araw, magiging proud din kayo sa sarili niyo dahil mas pinili niyong lumaban at hindi ang sumuko.”

“Para sa mga kapwa ko guro, deserve ninyong parangalan. Marami tayong ginagawa na outside the books. Maraming salamat dahil nagsilbi kayong pangalawang magulang ng mga mag-aaral,” saad pa niya.

Nais mo bang mai-feature ang iyong storya o ‘di kaya mayroon kang larawan at video na gusto mong i-share? I-message mo lang kami sa aming Facebook at Twitter!