Tatlong araw na libreng sakay ang  handog ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) para sa mga kawani ng gobyerno sa susunod na linggo.

Ito’y bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng 123rd Philippine Civil Service Anniversary.

National

Bagyong Gener, napanatili ang lakas; malapit na sa WPS

Batay sa inilabas na advisory ng MRT-3, nabatid na magsisimula ang libreng sakay sa Setyembre 18, Lunes, hanggang Setyembre 20, Miyerkules.

Maaari itong i-avail kapag peak hours mula alas-7:00 hanggang alas-9:00 ng umaga, at alas-5:00 ng hapon hanggang alas-7:00 ng gabi.

Ayon sa MRT-3, kinakailangan lamang magpakita ng balidong government ID upang maka-avail ng libreng sakay ang mga kawani ng gobyerno.

"Kami po sa MRT-3 ay taos-pusong nakikiisa sa pagdiriwang ng anibersaryo ng Philippine Civil Service,"  saad ni DOTr Assistant Secretary for Railways at MRT-3 Officer-in-Charge Jorjette B. Aquino.

"Ang handog naming LIBRENG SAKAY ay simpleng pasasalamat sa lahat ng mga sakripisyo ng bawat kawani ng gobyerno upang magampanan nang tapat at maayos ang kanilang mga tungkulin," aniya pa.

Ang MRT-3 ay bumabagtas sa kahabaan ng EDSA, mula North Avenue, Quezon City hanggang Taft Avenue, Pasay City.