Inaasahang magdudulot ng pag-ulan ang trough ng low pressure area (LPA) at southwest monsoon o habagat sa ilang bahagi ng bansa ngayong Martes, Setyembre 12, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Sa tala ng PAGASA bandang 4:00 ng umaga, huling namataan ang LPA sa loob ng Philippine area of responsibility (PAR) sa layong 790 kilometro sa East Northeast ng Basco, Batanes.

Mananatili umanong mababa ang tiyansang maging bagyo ang LPA, ngunit makaaapekto ang trough nito sa ilang bahagi ng Northern Luzon.

Pagdating sa lagay ng panahon sa loob ng 24 oras, maaaring magkaroon ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan sa Batanes at Cagayan bunsod ng trough ng LPA.

Eleksyon

Mga kandidatong artista, di sinusuportahan ng kapwa artista dahil pangit ang ugali, sey ni Ogie Diaz

Maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan din ang posibleng maranasan sa Bicol Region, MIMAROPA, Western Visayas, Zamboanga Peninsula, BARMM, at Northern Samar dulot naman ng habagat.

Pinag-iingat ng PAGASA ang mga residente sa mga nasabing lugar sa posibleng pagbaha o kaya nama'y pagguho ng lupa tuwing magkakaroon ng katamtaman hanggang malalakas na pag-ulan.

Samantala, may tiyansang makaranas ng bahagyang maulap hanggang sa maulap na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms sa Metro Manila at mga natitirang bahagi ng bansa bunsod ng habagat o localized thunderstorms.

Posible rin umano ang pagbaha o pagguho ng lupa rito tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms.