Show cause order vs SUV owner sa viral road rage sa Valenzuela, inilabas na!

(LTO/FB)
Show cause order vs SUV owner sa viral road rage sa Valenzuela, inilabas na!
Naglabas na ng show cause order (SCO) ang Land Transportation Office (LTO) laban sa may-ari ng isang sports utility vehicle (SUV) na sangkot sa viral road rage incident sa Valenzuela City nitong nakaraang buwan.
Isinapubliko ni LTO chief Vigor Mendoza II, na isang babaeng taga-Bulacan ang nakarehistrong may-ari ng naturang sasakyan.
Layunin aniya ng SCO na matukoy ang nagmamaneho ng sasakyan nang maganap ang insidente sa Barangay Bignay, nitong Agosto 19.
“Gusto nating malaman kung sino ang nagmamaneho ng sasakyan na ito nung mangyari ang insidente. Gusto rin nating malaman kung nabenta na ba ang sasakyan na ito o nahiram lang,” ani Mendoza.
“The quick action of your LTO serves as a warning to all the motorists, especially those with anger management issues, that such acts are unacceptable and will certainly have consequences,” anang opisyal at sinabing ipinadala na nila ang kopya ng SCO kay Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista.
Sa viral video, makikita ang isang lalaking lumabas ng sasakyan, dala-dala ang isang baril habang kinokompronta ang isang motorista.
“Nakikipagugnayan na tayo sa ibang ahensya na nagsasagawa na rin ng imbestigasyon sa insidente. Hindi tayo titigil hangga’t hindi natin natutunton ang lalaking nagkasa ng baril sa video,” dagdag pa ni Mendoza.
Idinagdag pa ni Mendoza, pinatawan muna nila ng 90 days suspension ang registration ng SUV habang iniimbestigahan pa ang kaso.