Para sa inyo po itong lahat, Nanay at Tatay.”

Marami ang naantig sa naging pagsurpresa ng isang education student sa kaniyang mga magulang tungkol sa kaniyang pagtatapos sa kolehiyo bilang nag-iisang magna cum laude sa kanilang unibersidad.

“How I told my family that I'll be graduating as Magna Cum Laude and Class Valedictorian ,” caption ng estudyanteng si Judea Alcaraz, 23, mula sa City College of Calamba (CCC) sa Laguna, sa kaniyang Facebook post kalakip ang viral video ng pagsurpresa niya sa kaniyang mga magulang.

Makikita sa naturang video ang pagkagulat ng nanay at tatay ni Alcaraz na naluluha pa habang inihahayag sa graduation ceremony ang nakamit niyang karangalan.

Lifehacks

ALAMIN: Anong dapat gawin sa oras ng emergency?

Sa eksklusibong panayam ng Balita, ibinahagi ni Alcaraz na extra special din ang naturang award niya sa kolehiyo dahil mula first year college siya ay pinagsasabay niya ang kaniyang pag-aaral at pagtatrabaho.

“3 po kaming magkakapatid, 2 na lalaki tas ako lang po babae. Pangalawa po ako sa magkakapatid. Dati pong OFW ang nanay ko pero nag-for-good na po siya mula noong pandemic. ‘Yung tatay ko naman po ay may backyard business dati pero nagstop din po nung pandemic. Kami po ng kuya ko yung nagwowork samin mula po nung pandemic,” ani Alcaraz.

“Si kuya po ay call center tas ako po naging service crew for 2 months then call center po for 9 months then naging Virtual assistant naman po until makagraduate po ako. Nag working student po ako simula 1st year,” dagdag pa niya.

Dahil dito’y naging extra special daw ang naturang award para sa kaniya at kaniyang pamilya.

Kuwento pa ni Alcaraz, nang malaman niyang pasok siya at latin honors at pararangalan pa bilang nag-iisang magna cum laude ng kanilang batch, binigyan siya ng kaniyang propesor ng ideya na isurpresa ang kaniyang mga magulang.

“Sa bahay kinondisyon ko na po ‘yung utak ng parents ko na hindi ako pasok sa Magna cum laude and cum laude ‘yung marereceive ko na award sa grad after deliberation (with matching iyak pa para makatotohanan) and naggawa pa po ako nun ng mga stories kung bakit hindi ako nakapasok then ilang linggo ko po ‘yun pinapaulit ulit sa kanila,” ani Alcaraz.

“Nauna ko pong sabihan ang mga kapatid ko para sila po magvideo ng reaction ng parents ko then mga pinsan ko naman po para if ever malaman nila, di nila mabanggit sa parents ko then masabihan din nila yung parents nila na ‘wag sabihin sa parents ko,” dagdag pa niya.

Nalaman lamang daw talaga ng kaniyang mga magulang ang kaniyang award sa araw ng graduation ceremony, kaya’t bakas sa mukha ng mga ito ang pagkagulat.

“After grad naman po, sabi po nila sa’kin na sobrang proud po sila sa’kin and sobrang happy po ako na marinig ‘yun from them,” ani Alcaraz.

Sa ngayon ay nagtatrabaho daw siya bilang Virtual Assistant habang naghahanda para sa Licensure Exam for Teachers (LET) sa susunod na taon.

Samantala, habang sinusulat ito’y umabot na sa mahigit 4.7 million views at 12,000 shares ang naturang post ni Alcaraz.

Narito pa ang ilang komento ng netizens:

“Hala ba’t ako naiyak sa reactions ng parents? Congrats, Ma’am! .”

“Congratulations Atee Napaiyak Mo Ako. Very Inspiring .”

“Sobrang proud ng parents. Kahit di kita kilala te, proud din ako sa’yo.”

Nais mo bang mai-feature ang iyong storya o ‘di kaya mayroon kang larawan at video na gusto mong i-share? I-message mo lang kami sa aming Facebook at Twitter!