Marami ang pumuri sa isang convenience store sa Pasay City na nagpatuloy umano sa isang stray dog sa gitna ng malakas na ulan.

Sa Facebook post ng netizen na si Nea Medina, 52, mula sa Laguna, ibinahagi niya ang larawan ng asong may pangalang “Rosendo” na tila mapayapa ang tulog sa loob ng store.

“Napag-alaman ko mula sa staff ng store na itong si Rosendo (oh di ba ampogi ng name nya) ay matic nang pumapasok sa store nila kada malakas ang ulan. Pinapakain din siya ng mga staff doon and ‘pag nasa labas ay ‘yung mga nakatambay na taxi driver naman ang nagbibigay ng pagkain,” kuwento ni Medina sa kaniyang post.

Eksklusibo namang nakapanayam ng Balita si Medina, at ibinahagi niyang bumibili siya ng tubig at midnight snacks sa naturang store nang makita niya si Rosendo.

Human-Interest

Concerts, certified stress reliever ayon sa psychologist?

“Tuwang tuwa ako noong nakita ko siya doon. Isa din kasi akong animal welfare advocate. May mga strays na din akong na-rescue at na-rehome. I also feed strays. Malaki lagi dala kong bag kasi may laman na dog food at cat food para pag may nakita ako sa daan, may naibibigay ako na pagkain,” saad ni Medina.

Naisip naman daw niyang i-post sa Facebook ang larawan ni Rosendo at ang pagpapatuloy ng convenience store sa kaniya upang maka-inspire din sa iba na maging mabait at malasakit sa mga hayop.

“Happy ako kasi nabibigyang-pansin ang mga content na nagpapakita ng compassion sa animals lalo na sa strays. ‘Yan kasi ang ultimate goal ko sa buhay, ‘yung mabigyan ng pansin ang animal welfare dito sa ating bansa,” ani Medina.

Habang sinusulat ito’y umabot na sa mahigit 870 reactions, 16 comments, at 251 shares ang kaniyang post.

“Faith in humanity restored,” komento pa ng isang netizen.

Nais mo bang mai-feature ang iyong storya o ‘di kaya mayroon kang larawan at video na gusto mong i-share? I-message mo lang kami sa aming Facebook at Twitter!