Pumalo na sa 11M views ang Facebook post ng isang netizen na nagtatrabaho bilang registered midwife na si "Karen Lou Orgula Nuñez" matapos niyang itampok sa isang video ang muling pagpapahukay sa bangkay ng namayapa nilang lola mula sa isang memorial park sa San Jose City, Nueva Ecija, upang ilipat ang mga labi sa musuleo.

Batay sa Facebook video uploaded noong Agosto 13, nagulat si Karen at ang iba pang mga kaanak nang masilayan nila ang bangkay ng kanilang lola.

Hindi pa kasi gaanong naagnas ang mukha nito at kahit na matagal nang nakalibing ay makikita pa rin ang hitsura nito. Sa katunayan ay nakakabit pa ang mga buhok nito sa ulo.

Human-Interest

Concerts, certified stress reliever ayon sa psychologist?

Inaasahan kasi nilang bungo't mga kalansay na ang tatambad sa kanila dahil 2009 pa nang mailibing ang kanilang lola, na namatay dahil sa sakit sa puso.

Pati raw ang damit na isinuot nito ay buong-buo pa rin.

Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Karen, sinabi niyang napagpasiyahan ng pamilya na ilipat sa musuleo ang bangkay ng lola dahil binabaha raw ang nabanggit na memorial park. Nahihirapan daw silang dalawin ang puntod nito kapag tag-ulan.

Photo courtesy: Karen Lou Orgula Nuñez

Nakilala ang lola na si "Clarita Vargas Vinuya."

"Lola ng asawa ko, siya ang nag-alaga at nagpalaki sa asawa ko. Sa kaniya kami tumira noong nagsisimula pa lang sa buhay," kuwento ni Karen sa Balita.

Nagulat daw sila nang makitang buo pa ang mukha nito nang i-ahon na nga ng sepulturero mula sa hukay. Nagulat man, napalitan pa rin ito ng saya.

"Sobrang saya na makita ulit ang mukha niya na napakaganda pa rin," ani Karen.

Paliwanag daw ng sepulturero, maaaring dahil daw sa pagkababad sa tubig tuwing umuulan at binabaha kaya hindi naagnas nang tuluyan ang bangkay. Isa pa, mukhang maganda at maayos din umano ang pagkaka-embalsamo rito.

Photo courtesy: Karen Lou Orgula Nuñez

Habang isinusulat ang balitang ito ay umabot na sa 11M views, 221k reactions, at 2.6k comments ang nabanggit na FB post.

---

Nais mo bang mai-feature ang iyong storya o ‘di kaya mayroon kang larawan at video na gusto mong i-share? I-message mo lang kami sa aming Facebook at Twitter!