Kinilala ang asong si “Lucky” mula sa Pilipinas bilang “Best of Breed Pomeranian” sa isang prestihiyosong World Dog Show na ginanap sa Geneva, Switzerland kamakailan.

Sa isang Facebook post, ibinahagi ng fur parent ni Lucky na si Jaclyn Claire Limtin-Buendia, 40, mula sa Cebu City, na nasungkit nito ang naturang award sa World Dog Show Grand Prix de Geneve 2023 noong Agosto 23 matapos makatunggali ang 91 na iba pang Pomeranian dogs sa iba’t ibang dako ng mundo.

Eksklusibo namang nakapanayam ng Balita si Buendia, kung saan ibinahagi niyang sarili niyang breeding ang kaniyang 2-year old fur baby na si Lucky.

“Own breeding ko po si Lucky. He is registered under my Kennel… Lucky's mom and dad are my dogs po,” kuwento ni Buendia.

Human-Interest

Concerts, certified stress reliever ayon sa psychologist?

Kuwento pa ni Claire, maliit pa lamang daw si Lucky ay nakikita na nilang pasok siya sa standard na Pomeranian breed, kaya’t taong 2022 raw nang magsimula silang isali ito sa mga dog show.

“At first was just to make him Philippine Champion then we continue to show him and made a surprise to become the Top 1 Pomeranian in Philippine National 2022. Then this year we tried to Show him abroad na,” pagbabahagi ni Claire.

Bago ang nasabing World Dog Show sa Switzerland, sumali na rin daw si Lucky sa isang dog show sa United States of America (USA) nitong Marso, at nakamit din ang “Best of Breed” award.

“I am so happy to see my own breeding can compete in the World Stage. At least ang pagod sa breeding and pag alaga pays off talaga,” saad ni Claire.

Sa labas naman ng mundo ng dog shows, inilarawan ni Claire si Lucky, maging ang iba pa niyang 19 na pomeranian dogs bilang “very sweet” at “friendly.”

“Para silang mga babies they give us joy and happiness and nakakawala ng stress when you go home and you see them,” ani Claire.

“Very unconditional po ang love nila and very loyal po sila sa owner nila,” saad pa niya.

Nais mo bang mai-feature ang iyong storya o ‘di kaya mayroon kang larawan at video na gusto mong i-share? I-message mo lang kami sa aming Facebook at Twitter!