Bumuhos ang emosyon hindi lamang ng mga manonood sa telebisyon kundi maging netizens sa kuwentong itinampok ng "Kapuso Mo Jessica Soho" hinggil sa viral video ng isang lolang umiiyak habang tila nagpapaalam sa kaniyang kalabaw na ibinenta niya dahil sa mahigpit na pangangailangan.

Ayon sa KMJS, ang lola sa video ay nagngangalang "Lola Mary Jane" at ang kaniyang kalabaw na iniiyakan ay si "Doro" na pagmamay-ari daw ng kaniyang namayapang asawa na si Diego.

Kuwento ng lola, 3 dekada na nilang alaga si Doro na siyang katuwang hindi lamang sa bukid kundi maging sa iba pang mga mahahalagang pangyayari sa kanilang buhay. Regalo raw sa kanila si Doro ng isang haciendero na nagngangalang "Teodoro" kaya galing dito ang pangalan ng alagang kalabaw.

Kilalang-kilala raw si Doro sa kanilang lugar sa Rodriguez, Rizal kaya kapag nakakawala ito at nawawala ay naisasauli rin sa kanila.

Human-Interest

Babaeng guro sa Batanes na 'buwis-buhay' na umaakyat sa flagpole, pinarangalan

Noong inatake sa puso ang bestfriend nitong si Mang Diego, ito pa raw ang humila sa karitela upang maitakbo ito sa ambulansya.

Kabilin-bilinan daw ni Mang Diego sa asawa na alagaang mabuti si Doro, huwag pababayaan at huwag ibebenta.

Subalit kahit kayod-kalabaw na raw sila pagtatrabaho ay tila mailap pa rin daw ang suwerte sa kanilang pamilya. Si Lola Mary Jane ay nagkaroon ng iba't ibang sakit gaya ng diabetes, high blood, at na-stroke pa. Kinailangan din ng isang anak ni Lola Mary Jane ng pang-requirements para sa trabahong kailangang aplayan. Wala naman daw mahiraman ng pera ang matanda, kaya naisipan na lamang ibenta si Doro, labag man sa kaniyang kalooban.

Agosto 24 nang makahanap ng buyer si Lola Mary Jane para kay Doro. Naibenta si Doro sa halagang ₱68k. Bagama't nagpapasalamat ang mga anak dahil hanggang sa huling sandali raw sa kanilang poder ay nakatulong sa kanila ang kalabaw, naging malungkot naman si Lola Mary Jane.

Kaya sa tulong ng KMJS Team ay tinunton nila ang bagong nagmamay-ari kay Doro na si "Mario Gregorio" na siyang nag-upload ng viral video, na taga-San Jose Del Monte, Bulacan.

Ayon kay Mario, wala umano siyang balak ipakatay si Doro dahil napakabait daw nitong kalabaw. Malakas daw kumain at araw-araw naliligo.

Kaya hindi na napigilan ni Lola Mary Jane ang pagbuhos ng mga luha nang muli niyang masilayan at mayakap si Doro, matapos siyang payagan ni Mario na dalawin ito.

Nananawagan ngayon ang matanda na sana raw ay may makatulong sa kaniyang matubos ang alagang si Doro.

"Magiging masaya na ako araw-araw, hindi na ako iiyak maibalik lang sa akin si Doro..." ani Lola Mary Jane.

Sa comment section ay bumuhos naman ang simpatya ng mga netizen para kay Lola Mary Jane at sa mga kapwa niya magsasaka.

"Ilang beses akong naiyak dito... iba talaga kapag attached ka na sa alaga mo. 30 years ay hindi biro. Mukhang healthy rin yung kalabaw."

"I know the feeling. Talagang maiiyak ka. Sana maraming tumulong para sa kaniya."

"Sadly ganito ang sitwasyon ng mga kababayan nating magsasaka. Kayod nang kayod pero hindi umaasenso."

"Kapag pet lover ka iiyakan mo talaga kapag nawala siya sa buhay mo."

"30 yrs? Parang tao na, na kasama mo sa buhay. Kung OK lang sana sa pinagbentahan nya ay bilhin uli at ibalik sa kaniya."

Habang isinusulat ang balitang ito ay wala pang update kung natubos na ba ni Lola Mary Jane si Doro mula kay Mario.

---

Nais mo bang mai-feature ang iyong storya o ‘di kaya mayroon kang larawan at video na gusto mong i-share? I-message mo lang kami sa aming Facebook at Twitter!