Isang taga-Metro Manila ang naging instant multi- milyonaryo matapos na magwagi ng mahigit sa ₱111 milyong jackpot prize sa Grand Lotto 6/55 ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na binola nitong Lunes ng gabi, Setyembre 4, 2023.
Sa abiso ng PCSO nitong Martes, nabatid na matagumpay na nahulaan ng lucky bettor ang six-digit winning combination ng Grand Lotto 6/55 na 55-50-06-45-12-40 na binola dakong alas-9:00 ng gabi.
Dahil dito, naiuwi niya ang katumbas nitong premyo na tumataginting na ₱111,039,686.
Nabili ng mapalad na mananaya ang kanyang lucky ticket sa BFRV, Las Piñas City.
Pinayuhan naman ni PCSO Vice Chairman of the Board at General Manager Melquiades ‘Mel’ Robles ang lucky winner na upang makubra ang kaniyang premyo ay magtungo lamang sa punong tanggapan ng PCSO sa Mandaluyong City.
Kailangan din aniya nitong iprisinta ang kaniyang dalawang balidong ID at ang kanyang lucky ticket.
Nagpaalala rin si Robles na ang lahat ng premyong lampas ng ₱10,000 ay papatawan ng 20% buwis, sa ilalim ng TRAIN Law.
Ang lahat naman ng mga premyong hindi makukubra, mula sa araw nang pagbola dito, ay awtomatikong mapo-forfeit at mapupunta sa Charity Fund ng PCSO.
Ang Grand Lotto 6/55 ay binobola tuwing Lunes, Miyerkules at Sabado.