Isang artist mula sa San Quintin, Pangasinan ang lumikha ng artwork tampok ang sikat na pinakamatandang mambabatok ng Pilipinas na si Maria Oggay, mas kilala bilang "Apo Whang-Od," gamit lamang ang mga papel na pinagbutasan ng puncher.

Ibinahagi ng artist na si Jereka Ellen Decano, 24, ang kaniyang artwork sa Facebook group na “Guhit Pinas.”

Sa eksklusibong panayam ng Balita, ibinahagi ni Decano, 24, na nagsimula siyang gumawa ng “Hole Punch Art” noong nakaraang taon.

“Madalas ‘yung mga nabubutas mula sa puncher, naitatapon lang. Kaya sinubukan ko gumagawa ng art na pwedeng gamitin ‘yung bilog bilog sa pag-design and eventually sa paggawa din ng portrait,” saad niya.

Human-Interest

Concerts, certified stress reliever ayon sa psychologist?

Mga pinagbutasang papel mula sa lumang magazines at notebooks, maging mga kahon ng toothpaste, sabon, paper bags, at cake, daw ang madalas niyang pinagsasama-sama para makagawa ng naturang klase ng sining.

Samantala, ibinahagi rin ni Decano na si Apo Whang-Od ang naisip niyang subject sa kaniyang kagagawa lamang at pang-15 na artwork dahil noong naghahanap daw siya ng reference sa susunod niyang subject portrait ay sakto naman umanong lumabas ang ideya ng “tattoo” sa newsfeed ng kaniyang social media account.

“Noong lumabas ‘yung idea ng ‘tattoo’ sa feed ko, una kong naisip ay si Apo Whang-Od,” ani Decano.

“Legend siya and nakakaproud lang bilang Pilipino po na we have her na ipagmamalaki worldwide and, as an artist, nakaka-motivate po ‘yung passion niya sa sining na hopefully makilala rin ako sa larangan ng art,” saad pa niya.

Dahil mabusisi ang paggawa ng obra gamit ang maliliit at pabilog na papel na pinagbutasan ng puncher, inabot daw siya ng dalawang linggo para matapos ang kaniyang obra na may sukat na 60×80 cm.

Ayon pa kay Decano, isang malaking achievement at kasiyahan ang naramdaman niya nang makita ang “finished product” ng kaniyang pinaghirapan.

“The idea po kapag matitigan mo ‘yung sarili mong obra na matapos, napapawi po ‘yung lahat ng sakit ng mata at likod na mafifeel mo po during the process,” saad niya.

Nais mo bang mai-feature ang iyong storya o ‘di kaya mayroon kang larawan at video na gusto mong i-share? I-message mo lang kami sa aming Facebook at Twitter!