Marami ang humanga sa painting ng artist na si Nestor Abayon Jr., 26, mula sa Rizal, Occidental Mindoro na inaalay raw niya sa mga batang maagang nagbabanat ng buto dahil sa kahirapan ng buhay.

“Hikahos,” caption ni Abayon sa kaniyang Facebook post kalakip ang kaniyang painting na umani na ng mahigit 7,700 reactions, 369 comments, at 477 shares.

Sa eksklusibong panayam ng Balita, ibinahagi ni Abayon na “Hikahos” ang naisip niyang titulo ng kaniyang painting dahil tumutukoy umano ito sa hirap ng buhay.

“Actually po may kirot sa dibdib ko sa tuwing pinipinta ko po itong obra ko. Sa tuwing tinitingnan ko po kasi ito nakakaramdam ako ng awa at lungkot. Awa sa mga batang maagang nagtatrabaho dahil sa kahirapan ng buhay at lungkot dahil sa murang edad ay yon agad yong namulatan nila sa halip na mag-aral,” pagbabahagi niya.

Human-Interest

Concerts, certified stress reliever ayon sa psychologist?

Nasa 12 na araw daw ang ginugol ni Abayon para sa naturang obra, kung saan gumamit siya ng “oil on canvas” para rito.

Bagama’t malungkot ang na realidad umano ang kinukuwento ng naturang painting, nakaramdam naman daw siya ng saya nang matapos niya ang obra.

“Kasiyahan hindi dahil natapos ko siya kundi dahil nakita ko sa mga mata nong batang pininta ko ang pagpupursigi, pagiging matatag at pagbangon sa kabila ng kahirapan at bigat na dinadala. Hindi nila alintana ‘yung pagod, hirap at basa ng ulan basta tuloy-tuloy lang sila sa ginagawa nila,” ani Abayon.

“Kaya nainspired po akong ipinta ito at ipakita sa lahat na huwag agad tayo sumuko dahil sa hirap ng buhay, pagnadapa bangon lang tayo at ituloy ang buhay,” saad pa niya.

Nais mo bang mai-feature ang iyong storya o ‘di kaya mayroon kang larawan at video na gusto mong i-share? I-message mo lang kami sa aming Facebook at Twitter!