May pinasabog na rebelasyon ang Christmas icon na si Jose Mari Chan sa panayam sa kaniya sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Biyernes, Setyembre 1.

Ayon kay Jose, matapos nilang aregluhin ng kaniyang kaibigan ang lyrics ng “Christmas In Our Hearts”, naghanap umano siya ng isang tao na pwede niyang makasama para kantahin ang nasabing awit.

At dito na nga sinabi ng singer-songwriter na si Broadway Diva Lea Salonga ang una niyang nilapitan.

“At that time, Lea Salonga was a hit because of Miss Saigon. So, I approached her and asked if she would duet with me,” pahayag ni Jose.

National

Painting ni Amorsolo sa private museum sa NegOcc, ninakaw!

Pumayag naman si Lea sa alok niya. Sa katunayan, nagustuhan pa nga umano nito ang melody at lyrics ng kanta.

Ang kaso, sa kasamaang palad, hindi pinayagan si Lea Salonga ng kaniyang recording company.

Kaya ang nangyari, nilapitan ni Jose ang singer na si Monique Wilson na noong panahong iyon ay understudy ng Miss Saigon na nasa ilalim din umano ng management ni Boy Abunda ayon mismo sa ‘Asia’s King of Talk’.

Pero gaya ng nauna, mukhang hindi rin nakatadhana si Monique na maging bahagi ng ‘Christmas In Our Hearts’.

“Unfortunately, that weekend, she went to Tagaytay, and you know the story, she lost her voice,” saad ng Christmas icon.

Sa huli, ani Jose, tila iniadya umano ng Holy Spirit na ang kaniyang anak na si Liza Chan ang makasama niya sa sikat na kantang ‘Christmas In Our Hearts’. At ngayon, si Jose Mari Chan ang itinuturing na ‘King of Pinoy Christmas Carols’ dahil sa kantang ito.