Hindi sumipot sa pagdinig ng kanyang kaso nitong Agosto 31, ang dating pulis na sangkot sa road rage sa Quezon City kamakailan, ayon sa pahayag ng Land Transportation Office (LTO) nitong Biyernes.

National

Nancy Binay, nilinaw na 'di kaaway ang kapatid na si Abby: 'Pamilya pa rin kami!'

Dahil dito, sinabi ni LTO-Metro Manila asst. regional director Hanzley Lim na dedesisyunan na nila ang usapin laban kay Wilfredo Gonzales.

Si Gonzales ay suspek sa panunutok umano ng baril sa isang siklista na nakaalitan nito sa Welcome Rotonda, boundary ng Quezon City at Maynila nitong Agosto.

Ayon kay Lim, tanging ang anak ni Gonzales ang humarap sa hearing at isinuko nito ang driver's license ng ama kaugnay ng 90-day preventive suspension na ipinataw ng LTO kamakailan.

“Mr Gonzales did not submit an affidavit so we take it as a waiver on his part for us to decide on the matter based on the pieces of evidence we have,” ani Lim.

Kamakailan, naglabas ng show cause order (SCO) si LTO-National Capital Region director Roque Verzosa at ito ay natanggap ni Gonzales nitong Agosto 28.

Binanggit sa naturang kautusan na wala nang karapatang dinggin ang pagtutol ni Gonzales sa kanyang kaso sakaling mabigong magharap ng notarized affidavit sa ahensya.

Sakop ng SCO na pagpaliwanagin si Gonzales kung bakit hindi ito dapat parusahan sa nilabag na kaso batay na rin sa Republic Act 4136 (Land Transportation and Traffic Code).

Kabilang sa nasilip na paglabag ni Gonzales ang reckless driving, obstruction of traffic at improper person to operate a motor vehicle.

“With the absence of the notarized affidavit, these cases were already submitted for resolution and whatever the results, they will be submitted to the office of our LTO Chief, Assistant Secretary Vigor Mendoza II, for approval,” giit pa ng opisyal.

Matatandaang naging kontrobersyal si Gonzales nang kumalat sa social media ang insidente kung saan kinasahan nito ng baril at saktan ang nakaaway na siklista sa naturang lugar nitong Agosto 8