Napanatili ng Severe Tropical Storm Hanna ang lakas nito habang patuloy na kumikilos pakanluran hilagang-kanluran sa karagatang sakop ng Pilipinas, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Biyernes, Setyembre 1.

Sa tala ng PAGASA nitong 5:00 ng umaga, huling namataan ang sentro ng bagyong Hanna 870 kilometro ang layo sa silangan ng Extreme Northern Luzon, na may maximum sustained winds na 110 kilometers per hour malapit sa sentro at pagbugsong 135 kilometers per hour.

Kumikilos ito pakanluran hilagang-kanluran sa bilis na 20 kilometers per hour.

Base sa forecast track, mananatiling malayo sa kalupaan ang bagyong Hanna, kaya’t hindi umano magtataas ng wind signal sa alinmang dako ng bansa.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Samantala, pinalalakas umano ng bagyong Hanna, maging ng bagyong Goring na nasa labas na ng Pilippine area of responsibility (PAR), ang southwest monsoon o habagat na magdudulot ng ilang mga pag-ulan sa kanlurang bahagi ng Luzon sa susunod na tatlong araw.

Patuloy naman umanong maghahatid ang habagat ng gusty conditions sa Batanes, Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, Zambales, Bataan, Aurora, Bulacan, Metro Manila, CALABARZON, MIMAROPA, Bicol Region, Western Visayas, at northern portion ng Eastern Visayas ngayong Biyernes,

Inaasahan umanong lalabas ng Philippine area of responsibility (PAR) sa Linggo ng umaga, Setyembre 3.